Abante Tonite Interactive

Nayong Pilipino casino deal, ipapabasag ng Palasyo sa DOJ

By ,
360

Inatasan ng Malacañang ang Department of Justice (DOJ) na rebyuhin ang kontratang pinasok ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) sa Landing Resorts Phi­lippines Development Corporation (LRPDC) para ipaupa ang lupain ng gobyerno sa Parañaque City sa loob ng 75 taon.

“Sinabi po ng Presidente na pina-review niya po iyong kontratang iyan kay Secretary Menardo Guevarra ng DOJ. At sa tingin po ng Presidente, ang tawag po niya sa kontratang iyan ay ‘flawed’. Sabi po niya at mayroon pong impormasyon na dapat kasi daw po iyan ay dumaan sa isang public bidding, dahil hindi naman po ito isang TIEZA project, hindi ito isang PEZA project. Nagtataka nga bakit hindi dumaan, kasi iyon yung exception na kapag idle land na pag-aari ng isang TIEZA or PEZA accre­dited industry ay pupuwedeng hindi ito dumaan sa bidding. Pero ito naman po walang ganoong accreditation iyong Landing, eh dapat po talaga dumaan sa public bidding iyan,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Sa talumpati naman ni Pangulong Duterte sa ika-117 Police Service Anniversary sa Camp Crame, sinabi nitong hindi niya papayagang maging lungsod ng sugalan ang Nayong Pilipino dahil ayaw aniya nito ng sugal
Kaugnay nito, hinimok naman ni Senador Win Gatchalian si Ombudsman Samuel Martires na imbestigahan ang sinasabing iregularidad sa kasunduan sa pagitan ng NPF at LRPDC.

Sinasabing aabot sa P25 bilyon ang mawawalang kita sa gobyerno sa susunod na 75 taon sa naturang kasunduan.

Una nang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga board member ng NPF dahil sa pag-apruba sa LRPDC deal na itinuturing ng Malacañang bilang “grossly disadvantageous” sa gobyerno.

Itinanggi na ni Ocampo na nabahiran ng katiwalian ang pinasok nilang kasunduan sa LRPDC.