Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nayong Pilipino kinonsensiya ni Galvez

0 317

Nagsalita na si vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa isyu ng mega vaccination facility project ng gobyerno na tinututulan ng mga opisyal ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) bagama’t aprubado na ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).

Sa isang pahayag, snabi ni Galvez na tila hindi nakikita ng mga opisyal ng NPF ang kabuuang `larawan’ ng kasalukuyang sitwasyon sa pandemyang dulot ng COVID-19 sa bansa dahil mas nakapokus sila sa mga detalye o teknikalidad hinggil sa isyu ng mega vaccination facility.

Binigyang-diin ni Galvez na malaking hamon ang kinakaharap nila ngayon sa isyu ng mega vaccination facility na dapat sana ay nag-umpisa na ang pagpapagawa subalit hanggang ngayon kahit isang bloke o panel ay wala pang nailalagay.

Sabi ni Galvez, inaprubahan na ng IATF ang proyekto sa pamamagitan ng Resolution No. 109 noon pang Abril 10, 2021. Subalit sa kabila nito ay hindi pa nilalagdaan ng NPF Board of Trustees ang Memorandum of Agreement sa National Task Force Against COVID-19, na siyang nagpapatupad ng mga polisiya ng IATF-MEID.

Naglabas na rin aniya si Executive Secretary Salvador Medialdea ng memorandum noong Mayo 4 na nag-uutos sa Nayong Pilipino para aksyonan ang nasabing isyu upang matuloy na ang proyekto.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Subalit ang sagot umano ng NPF board, sa pamumuno ni Executive Director Lucille Karen Malilong-Isberto, ay pawang may kinalaman sa mga isyung teknikal at ligal hinggil sa proyekto at sa posibleng epekto nito sa kapaligiran.

Tiniyak ni Galvez na maayos ang proyekto at masusing pinag-aralan ng gobyerno.

Katunayan aniya, kinuha ng ICTSI Foundation ang serbisyo ng arkitektong si Felino `Jun’ Palafox dahil sa mabuting track record nito kaya tiwala silang mapapangalagaan ang kapaligiran sa dinisenyong mega vaccination facility.

Binigyang-diin pa ni Galvez na ang lugar kung saan itatayo ang mega vaccination facility ay isang reclaimed land at hindi naman ito protected forest o marine sanctuary.

Dagdag pa ni Galvez, parating na ang bulto ng mga bakuna kontra COVID-19 kaya mahalaga ang bawat oras at hindi dapat magpatumpik-tumpik pa sa kanilang desisyon ang mga opisyal ng Nayong Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.