Abante Tonite Interactive

Nazareno naghimala sa 4 deboto

519

Dagsa ang mga deboto tuwing Traslacion upang pagtibayin ang kanilang panata sa Poong Itim na Nazareno.

Ngayong Traslacion 2020, ilang deboto ang nakausap ng Abante Tonite at kanilang inilahad ang mga himalang naranasan sa buhay dahil sa taimtim na pananalangin sa Nazareno.

Isa ang negosyan­teng si Gerry Disc, 56-anyos, ng Tanza, Cavite, sa nagbahagi ng kanyang personal na karanasan kung bakit namamanata siya sa Nazareno.

“Mga seven years pa lang ako namamanata, taon-taon pumupunta ako sa Pahalik pumi­pila. Humingi ako ng tulong sa Poong Itim na Nazareno para maha­nap ko ang dalawang anak ko,” ani Mang Gerry.

Nabatid na halos isang taon din hinanap ni Mang Gerry ang dalawa niyang anak na nawalay sa kanya. Pero tumanggi na itong ilahad pa ang mga pinagdaanan niya na humantong sa pagkawalay ng dalawa niyang anak.

“Nahirapan kasi ako na makita sila kaya lumapit ako kay Nazareno. Habang nabuhuhay ako mamamanata ako sa kanya bilang walang hanggang pasasala­mat,” ani Mang Gerry.

Malaki rin ang pasasalamat ni Noel Noveda, 38, taga-Quiapo, Maynila, sa Poong Nazareno dahil ito aniya ang nagbibigay sa kanya ng lakas para mabuhay sa mundong ibabaw.

“Ibinigay din Niya ang aking mga kahi­lingan at inilalayo Niya kami sa mga sakit at masamang kapamahamakan… kaya walang hanggang pasasalamat ako sa kanya at handang maglingkod kailanman,” ani Noveda.

Gayundin ang sinabi ng 55-anyos na si Rodelio Dee, taga-Galas, Quezon City, na habang nabubuhay patuloy siyang maglilingkod sa Poong Nazareno.

“Walang hanggang pasasalamat sa Mahal na Poong Itim na Nazareno. Matagal na akong deboto, pero ngayon ay hindi ko na ka­yang humila ng lubid. Medyo mahina na rin ang katawan ko. Doon na lang ako sa Pahalik tapos magsisimba sa Quiapo,” ani Dee.

“Habang nabubuhay ako patuloy akong maglilingkod sa Poong Nazareno. Naniniwala ako sa kanyang milagro,” dagdag pa nito.

Inilahad din ng 36-anyos na si Maurice Flores, isang area ma­nager sa Quiapo, ang kanyang pamamanata sa Nazareno mula noong 14-anyos pa lang siya.

“Kinamulatan ko na ang prusisyon ng Nazareno kada taon ngunit naging deboto nu’ng 14 na taong gulang. Lagi ko lang pinagpapasa­lamatan ang Nazareno sa lahat ng biyayang natatanggap ko kada taon lalo na sa mga unexpected at answered prayers. Kapag natapos na ang paghila ko ng lubid ng andas masarap ang pakiramdam ko… fulfilled. Masarap sa pakiramdam… kahit na ano’ng hirap ang aming pinagdaan nakayanan namin dahil Siya ang aming gabay sa lahat ng pagsubok na Kanyang ibinibigay,” ani Flores. (Juliet de Loza-Cudia)