Abante Tonite
Mabilis sa Balita

NBI, PNP report sa Dacera posibleng magkaiba – Guevarra

0 140

May posibilidad na iba sa Philippine National Police (PNP) ang maging resulta ng report ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na papatapos na ang NBI sa kanilang ‘forensic examination’ at `toxicology report’.

Kaya lamang ay kailangan pa umano nilang kunan ng pahayag ang embalsamador na nagproseso sa katawan ni Dacera at isailalim sa ‘forensic examination’ ang ilan pang cellular phones.

Kamakailan, nanindigan ang PNP na ‘aortic aneurysm’ ang dahilan ng pagkamatay ni Dacera at ibinasura ang anggulo ng panggagahasa at drug overdose.

Gayunman, maaring iba umano ang lumabas sa pagsusuri ng NBI at sa sandaling ganito ang maging insidente, maaaring magsagawa ang nag-iimbestigang prosecutor ng isang pagdinig para ipaliwanag ng mga kinatawan ng NBI at PNP ang kanilang findings.

Ito ay upang madetermina kung kaninong report ang mabibigyan ng bigat at kung may sapat na ebidensiya sa isinampang kaso ng pamilya-Dacera. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.