Abante Tonite Interactive

nCoV makabubuti sa turismo — Villar

394

Binatikos ng mga netizen ang pahayag ni Senador Cynthia Villar na makabubuti sa turismo sa Pilipinas ang kinatatakutang novel coronavirus o nCoV.

Sa kanyang pagdalo sa 1st Agribusiness Tourism na ginanap sa Iriga City, isinulong ni Villar ang farm tourism.

Sinabi ni Villar na dahil mayroong travel ban sa China at sa mga special administrative region nito sa Hong Kong at Macau sanhi ng kumakalat na nCoV, pagkakataon aniya ito ng mga Pilipino para bisitahin ang magagandang lugar sa Pilipinas, kabilang na ang mga lupang sakahan.

Hindi naman ito pinalagpas ng mga netizen at kanilang binatikos ang pahayag ng senadora at inungkat ang isyu sa mga subdibisyon na pag-aari ng pamilya Villar kung saan ginawa na umanong real estate ang mga lupang sakahan.

“Cynthia Villar: nCoV scare will make people consider FARM TOURISM, w/c is local TOURISM. Wow! She has the gall to TALK about FARM ­TOURISM, when her REAL ESTATE CO. has been CONVERTING AGRICULTU­RAL LANDS into RESIDENTIAL LOTS? SO, ANONG FARMS ANG PINAGSASABI NIYA? TROLL FARMS?” tweet ni Francis Baraan.

“Agricultural country pero nag-iimport ng bigas mula sa ibang bansa. Bakit kaya Sen. Cynthia Villar?” pag-uusisa ng netizen na si @jjangjjang_0604.
“Camella tourism mayroon yan,” maiksing komento ni @ghostcow07.

Samantala, sa dinaluhang event ay hiniling din ni Villar, na siyang chairperson ng Senate Committee on Agriculture, sa mga magsasaka na pumasok sa agribusiness kung saan mas malaki ang kanilang kikitain.

Hinimok din nito ang mga magsasaka na samantalahin ang libreng pagsasanay na binibigay ng Technical Education and Skills Development Autho­rity (TESDA) para mas lumawak ang kanilang kaalaman hinggil sa pagsasaka at paggamit ng teknolohiya.