Abante Tonite
Mabilis sa Balita

NCR ikakasa istriktong bakuna card check

0 188

Magiging istrikto na rin ang mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region sa pag-check ng vaccination card ng mga indibiduwal bilang bahagi ng paghihigpit sa galaw ng mga hindi pa bakunado laban sa COVID.

Sa Laging Handa public briefing kahapon, hinimok ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos Jr. ang publiko na palaging dalhin ang kanilang identification card at vaccination card kapag lalabas ng tahanan at gagala sa NCR.

“Magtutulungan po ang national government through the National Police (PNP) and of course ang mga kawani po natin sa LGU at kasama na ang mga private po rito – sa mga malls, etcetera – to make sure na ma-implement po natin ito,” ayon kay Abalos.

Samantala, inaasahang maglalabas din umano ng ordinansa ang bawat lokal na pamahalaan sa NCR para ipatupad ang resolusyon na inaprubahan ng Metro Manila Council kaugnay sa paghihigpit sa paglabas ng mga indibiduwal na hindi pa bakunado kontra COVID.

Sabi ni Abalos, magiging epektibo ang resolusyon oras na naipasa ng mga lokal na pamahalaan ang ordinansa para ipatupad ang bagong protocol.

“Ito po ay gagawin ng bawat city o municipal council ng bawat LGU {local government unit] in Metro Manila. Pero mabilis na lang po ito dahil may template na po kami,” ayon kay Abalos. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.