Abante Tonite
Mabilis sa Balita

NCR lugi ng P700M kada araw sa GCQ

0 131

Atat na si Socioeconomic Planning Acting Secretary Karl Kendrick Chua na gumalaw patungo sa modified general community quarantine (MGCQ) ang National Capital Region (NCR) at ilan pang lugar sa bansa na nasa ilalim pa rin ng general community quarantine.

Sa kanyang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Chua, na siya ring director ng National Economic and Development Authority (NEDA), tumataginting na P700 milyon ang nalulugi sa kita at suweldo ng mga manggagawa kada araw sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.

Ayon kay Chua, malaki ang epekto sa negosyo at kita sa sahod ng mga manggagawa ang patuloy na pag-iral ng GCQ dahil hindi pa ganap na makapagbubukas ang mga negosyo at mga hanapbuhay.

“Sa NCR and adjacent region, every day of GCQ is P700 million that we lose in wages and salaries and other incomes, so malaki iyong effect,” ani Chua.

Kaya naman umaasa umano sila na pagsapit ng Marso ay makakabawi na ang bansa para makapagsimula muli ng buhay ang maraming Pilipinong naapektuhan ng COVID-19 pandemya.

“We hope that by March we can make a turnaround na and makakabawi tayo hopefully in the second to fourth quarter,” dagdag ni Chua.

Babala ni Chua, kapag nanatili pa sa GCQ ang NCR sa mga susunod na buwan ay malalagay na sa mahirap na sitwasyon ang ekonomiya ng bansa.

Kaya kailangan aniyang makabuwelo na ang bansa at pagkatapos ng Pebrero ay makausad na patungo sa MGCQ.

Kumpiyansa rin si Chua na pagdating ng bakuna laban sa COVID-19 ay maaari nang buksan ang ekonomiya basta patuloy na sumunod sa basic health protocol ang publiko. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.