Abante Tonite
Mabilis sa Balita

NCR sumirit virus, 200% sa Pasay

0 58

Tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) nitong nakalipas na tatlong araw at pinakamalaki ang tinaas sa Pasay City bagay na ikinabahala ng isang independent research group na nagmomonitor hinggil sa pandemya sa bansa.

Ayon sa OCTA Research nitong Linggo, indikasyon ito na nananatiling banta sa kalusugan ng mga tao sa Metro Manila ang COVID-19 kung kaya’t hindi dapat maging kampante ang mga lokal na pamahalaan.

Batay umano sa pinakahuling monitoring report ng OCTA, lumalabas na ang daily average na bagong kaso ng COVID-19 sa NCR sa nakalipas na tatlong araw ay umakyat sa 563.

Nasa 45% umano ang itinaas nito mula sa dating daily avera na 388 noong nakaraang linggo.

Subalit sa Pasay City ang may naitalang pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19. Sumirit umano sa mahigit 200% ang naitala na mga bagong kaso sa naturang lungsod nitong nakalipas na tatlong araw.

Ayon sa OCTA, mula sa daily average na 28 kasong naitala noong Pebrero 11-17 ay sumirit ito sa 86 kaso kada araw simula Pebrero 18 hanggang 20.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Matatandaang inutos na ng lokal na pamahalaan ng Pasay City ang lockdown sa 33 barangay nila. Kasama rin sa pinasara muna dahil sa pagsirit ng COVID-19 ay mga negosyong matatagpuan sa lungsod.

Pangalawa umano sa may pinakamaraming bagong kaso sa NCR ay ang Malabon City na nakapagtala ng 166% pagtaas habang ikatlo naman ang Las Piñas na nasa 116% ang itinaas.

Samantala, sa COVID-19 Case Bulletin No. 344 ng Department of Health (DOH) nitong Sabado, Pebrero 21, ay nakapagtala ng 9,737 bagong gumaling.

Nasa 1,888 naman ang mga bagong kaso habang 20 ang iniulat na nasawi.

Ang kabuuang aktibong kaso ay nasa 26,238 na habang 522,843 ang kabuuang bilang ng mga gumaling. Nasa 12,088 naman ang kabuuang namatay sa virus.

Hanggang kahapon ay nasa 561,169 na ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.