Abante Tonite Interactive

NCRPO chief Sinas ‘nambastos’ ng lady reporter

617

Kinondena ng Nationa­l Press Club (NPC) ang pambabastos diumano ni National Capi­tal Region Police Office (NCRPO) acting director PBGen. Debold Sinas sa isang babaeng TV reporter ng nitong Biyernes ng umaga.

Ang hindi pinangalanang lady reporter ay magkokober sana ng isang event ng NCRPO sa Maynila kung saan nagsagawa ng ocular inspection si Sinas kasama ang mga opisyal ng Manila Police District (MPD) sa Quiapo Church bilang pagha­handa para sa Traslacion 2020.

Sinopla diumano ni Sinas ang reporter nang magtatanong sana at sinabihang “mamaya na lang” dahil mag-isa pa lang siya na nagkokober sa ocular inspection nito.

Bukod sa sinopla, tinakpan pa diumano ni Sinas ng kamay nito ang mukha ng reporter bago tinalikuran.

Napahiya ang reporter kung kaya’t umalis na lamang sa ocular inspection.
Ayon sa NPC, sana naging professional si Sinas at irespeto ang media na nagbabalita lang naman sa mga ginagawa ng NCRPO at iba pang ahensya ng gobyerno.

Wala pang pahayag si Sinas hinggil sa nasabing insidente.