Abante Tonite Interactive

NEA, PSALM nag-aaway sa ₱2.15B

436

Pinag-aawayan ng National Electrification Administration (NEA) at ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) ang hala­gang P2.15 bilyon.

Itinatag ang PSALM matapos ipasa bilang batas ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 para pangasiwaan ang mga ari-arian ng National Power Corporation (Napocor) at saluhin na rin ang utang ng mga electric cooperative sa NEA na nasa P691 milyon lamang noong 2005.

Ayon sa Commission on Audit (COA), batay sa record ng NEA, huling nagbayad ang PSALM sa NEA noong Enero 2014 at lumaki na ito sa P2.15 bilyon.

Sa pananaw ng PSALM, may double collection kaya hindi nito binayaran ang P2.15 bilyon na hinahabol ng NEA. Pakiwari pa ng PSALM, sumobra pa nga ito ng bayad sa NEA ng P60 milyon.

Dumulog na ang NEA sa Office of the Govern­ment Corporate Counsel (OGCC) at inakyat din nito ang isyu sa Office of the Solicitor General.­ Maraming beses nang nag-usap ang NEA at PSALM tungkol sa isyu simula noong 2014 hanggang 2017 ngunit hindi pa sila nagkakasundo.

Ayon sa CoA, nagpulong pa ang NEA at PSALM sa Department of Energy noong Setyembre 26, 2018 ngunit hindi pa rin sila nagkasundo kaya’t naghain na ng notice of arbitration ang NEA sa OGCC.

Nagtakda ang OGCC ng conciliation conference noong Marso 19, 2019 ngunit kinailangan itong i-reschedule dahil wala pang naipapasang resolusyon ang board ng PSALM at NEA na nagbibigay ng pahintulot sa kanilang itatalagang mga kinatawan sa pag-uusap.

Nasa board ng parehong ahensya si Energy Secretary Alfonso Cusi. (Eileen Mencias)