Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Negosyante, 1 pa tinumba sa Batangas

0 91

Patay ang dalawang negosyante sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Batangas nitong Biyernes.

Batay sa report ng Batangas Police Provincial Office, unang binaril ng riding in tandem ang biktimang si Joseph Selosa, 35-anyos, habang nagmamaneho ito ng kanyang kotseng Honda Civic sa national highway sakop ng Brgy. Alupay sa bayan ng Rosario dakong alas-dos ng hapon.

Papauwi na ang biktima sa kanilang bahay sa bayan ng Padre Garcia nang sundan ito ng mga suspek at pagbabarilin sa kaliwang bahagi ang sasakyan.

Nagtamo ito ng mga tama sa ibat-ibang bahagi ng katawan at hindi na naisugod sa ospital. Mabilis na tumakas naman ang mga suspek.

Sa Batangas City, patay din ang negosyanteng si Nicasio Ramirez, 48-anyos, nang pagbabarilin ng hindi rin nakilalang suspek sa Barangay Sampaga dakong alas-nuwebe ng gabi.

Ayon sa Batangas City Police, hindi na kalayuan sa kanilang bahay ang biktima at tinatahak ang barangay road sakay ng kanyang e-bike nang paulanan ng bala ng nag-aabang na suspek.

Isinugod pa ang biktima sa Jesus of Nazareth Hospital subalit dead on arrival na ito dahil sa tama ng bala sa ulo at balikat.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang dalawang insidente ng pamamaril para matukoy ang mga suspek. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.