Abante Tonite Interactive

Negosyante dinukot at pinatay

By
580

Isang negosyante ang napatay makaraang ­taniman ng bala sa ulo ng hindi kilalang mga ­armadong kalalakihan matapos dukutin ang biktima sa sabungan bago iniwang walang buhay sa loob ng kanyang sasakyan sa Barangay San Jose, Plaridel, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Wilfredo Mangahas, businessman na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib bukod pa sa tama ng bala sa ulo makaraang dukutin bago pagnakawan ng sling bag na may lamang hindi mabatid na halaga ng pera, mga alahas at mamaha­ling relo bago itinumba ng mga hindi kilalang salarin.

Nabatid na galing sa sabungan sa Barangay Poblacion, Guiginto ang biktimang si Mangahas at papasakay ng kanyang pick-up na sasakyan nang tutukan ng baril ng mga suspek saka ito tinangay lulan ng kanyang sasak­yan hanggang sa matagpuan itong wala nang buhay at nakasubsob sa kanyang sasakyan sa ­Barangay San Jose, Plaridel.

Hinihinala ng ­pulisya na pagnanakaw ang ­motibo ng pamamaslang dahil nawawala ang bag ng biktimang gayundin ang kanyang mga suot na alahas at ­mamahaling relo habang patuloy pa ding iniimbestigahan ng ­pulisya ang insidente upang makakuha ng impormasyon sa pagkaka­kilanlan sa mga salarin.