Abante Tonite Interactive

Negosyante hinoldap, pinatay ng tandem

By
1,249

Binaril at napatay ng riding-in-tandem ang isang negosyante matapos na manlaban ito nang harangin nila ang motorsiklong sinasak­yan ng biktima at holda­pin ang dala nitong P200,000 cash, sa Barangay Commonwealth, Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ni Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station 6, ang biktima na si Adrian Dalisay, 30-anyos, may-ari ng isang tindahan sa Commonwealth Market.

Base sa inisyal na ulat ni SPO3 Hilario Nebato ng Tactical Operation Center ng Station 6, bandang alas-10:30 ng umaga kahapon nang holdapin ng mga suspek ang biktima sa Metong St., Brgy. Commonwealth.

Sakay ng motorsiklo ang biktima pauwi sa bahay nila pero pagdating sa nasabing lugar ay hinarang ito ng mga suspek at tinutukan ng baril saka nagpahayag ng holdap.

Pero nanlaban ang biktima kaya binaril ng mga suspek saka kinuha ang sling bag niya na naglalaman ng P200,000 cash money at mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo na hindi naplakahan.

Isinugod pa ang negosyante sa Quezon City General Hospital pero hindi na naisalba ang kanyang buhay dahil sa tinamong mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa katawan.