Abante Tonite Interactive

Negosyante nilikida ng 4

491

Patay ang isang 48-anyos na negos­yante matapos pagbabarilin ng apat na suspek na lulan ng 2 motorsiklo, habang sakay ng kanyang Toyota Fortuner kamakalawa nang gabi sa Tondo, Maynila.

Idineklarang dead-on-arrival sa Tondo General Hospital ang biktimang si Melchor Almazan Y Bena, may asawa, ng #24 Torcillo St., Dagat Dagatan sakop ng Brgy. 40 sa Caloocan City.

Sa imbestigasyon ni P/Sgt. Lester Evangelista, ng Manila Police District-homicide section, bandang alas-8:20 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa Ismakay Market sa Vitas Tondo, sakop ng Brgy. 128.

Lulan umano ang biktima ng itim na Toyota Fortuner (KLT-08) at pagsapit sa lugar, lingid dito’y nakabuntot na ang 2 motorsiklo na sakay ng magkaangkas na suspek at saka pinagbabaril ang negosyante.

Matapos isagawa ang krimen, bumaba ng motorsiklo ang dalawa sa suspek, binuksan ang pinto ng sasakyan ng biktima at may kinuha sa loob
saka mabilis na pinaharurot ang kanilang mga motorsiklo.

Isinugod naman sa pagamutan ni Vladimir Almazan, 22 at ilan pang katao sa lugar ang biktima pero hindi na ito umabot ng buhay sa pagamutan.
Tinitingnang motibo sa pagpaslang sa biktima ang pagnanakaw. (Juliet de Loza-Cudia)