Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Negosyante niratrat habang trapik

0 168

Pumanaw ang isang negosyante matapos pag­babarilin ng mga suspek habang nakasakay sa kanyang sasakyan at naipit sa masikip na daloy ng trapiko, kamakalawa ng hapon sa Malate, Maynila.

Sa imbestigasyon ni P/Lt. Adonis Aguila ng Manila Police District-homicide section, nasawi dahil sa anim na tama ng bala sa kaliwang balikat at kili-kili ang biktimang si Naiqian Yuan, 34-anyos, ng Jerico St., Muntinational Village, Parañaque City.

Habang mabilis na tumakas ang mga hindi natukoy na suspek matapos ang krimen.

Naganap umano ang insidente alas-3:55, Lunes ng hapon sa M.H. Del Pilar Street sa Malate.

Nabatid na sakay umano si Yuan ng kanyang kulay asul na Subaru car at binabaybay ang naturang lugar nang buntutan siya ng dalawang salarin na magkaang­kas sa isang motorsiklo.

Sinamantala ng mga suspek ang pagkaipit ng biktima sa trapiko. Mabilis na bumaba ang backride at naglakad patungo sa sasakyan ng biktima at kaagad itong pinag­babaril na nagresulta sa agarang kamatayan ng huli.

Nang matiyak na napuruhan si Yuan ay umangkas muli ang gunman sa motorsiklo at saka mabilis nang tumakas patungo sa direksiyon ng Roxas Boulevard.

Patuloy namang iniimbestigahan ng MPD-HS ang motibo ng krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.