Abante Tonite Interactive

Negosyante, saleslady natagpuang patay sa pick-up truck

599

Patay na nang matagpuan ang isang negosyante at isang saleslady sa loob ng sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada sa San Antonio, Roxas, Isabela noong Martes.

Kinilala ni Roxas Police Station (RPS) ang biktimang sina Thomas Gregocha, 59-anyos, balo, negosyante, ng Rizal, Ro­xas, Isabela at Crispina Gragasin, 19, ng Nueva Era, San Manuel, Isabela.

Base sa report, ayon kay RPS officer-in-charge P/Maj. Arturo Cachero, ang bangkay nina Gregocha at Gragasin ay natagpuan sa loob ng Toyota pick-up na may plakang AJA-1218 na umano’y pag-aari ng negosyante.

Sinabi ni Cachero na nakilala ang mga biktima dahil sa nakuhang identification card ng mga RPS Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Sa imbestigasyon, sinabi ng RPS na may tama ng bala ng baril ang kanang bintana ng pick-up truck at natagpuan din sa loob ng sasakyan ang dalawang basyo ng bala, isang slug at isang .9mm pistol.

Ayon kay Cachero, may tama ng bala ng baril ang kaliwang bahagi ng ulo ng salesday habang sa kanang bahagi ng ulo ni Gregocha.

Palaisipan ngayon at patuloy ang follow-up operation ng RPS kung ano ang dahilan ng pagbaril sa dalawang biktima.

(Allan Bergonia)