Abante Tonite Interactive

Negosyante sinaksak ng sinibak na trabahador

345

Kritikal ngayon ang isang 37-anyos na negosyante matapos itong saksakin ng dati niyang tauhan na kanyang sinibak sa trabaho Linggo nang hapon sa Marikina City.

Inoobserbahan ngayon sa St. Vincent Hospital dahil sa tinamong saksak sa likurang bahagi ng katawan si George Monteverde, 37, may trucking company at residente ng Brgy. Concepcion Uno ng nasabing lungsod.

Isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng Marikina City police para sa agarang pagdakip sa suspek na si Dennis Espino, nasa hustong gulang, dating empleyado ng biktima.

Sa ulat ng pulisya, alas-5:15 ng hapon nang maganap ang pananaksak sa kahabaan ng Saint Jude St., Saint Claire 3, Brgy. Concepcion Uno.

Nasa driver seat ng isa niyang trak ang biktima nang bigla na lang sumampa ang suspek at saksakin ang una sa likurang bahagi ng katawan bago mabilis na tumakas.

Paghihiganti naman ang motibo ng suspek sa pananaksak sa biktima dahil sa pagkakasibak nito sa trabaho dahil sa hindi magandang performance. (Edwin Balasa)