Abante Tonite Interactive

Negosyante tinadtad ng bala sa loob ng BMW

474

Patay ang isang negosyante matapos tadtarin ng bala sa loob ng kanyang mamahaling sasakyan sa Tiaong, Quezon Biyernes nang gabi.

Ayon sa Tiaong police, dead on-the-spot ang biktimang si Orlando Evangelista, 50-anyos, residente ng Brgy. San Agustin.

Nangyari ang pamamaril sa Brgy. Bulakin habang ang suspek ay nasa loob ng kanyang nakahintong kotseng BMW sa gilid ng provincial road pasado alas-otso nang gabi.

Hinihintay umano ng biktima ang kanyang kasama na bumibili ng prutas nang lapitan ito ng gunman na nakasuot ng itim na hoodie at itim na pantalon.

Malapitan itong pinagbabaril ng salarin ng ilang beses.

Agad ding tumakas ang hindi nakilalang gunman na sumakay sa motorsiklo na minamaneho ng naghihintay na ka­sabwat.

Narekober sa crime scene ang limang basyo ng kalibre 9mm na baril na siyang ginamit ng suspek.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang pagkakakilanlan sa mga suspek at kung ano ang motibo sa krimen.

(Ronilo Dagos)