Abante Tonite Interactive

Negosyante tinatakang big time pusher tinodas

470

Natagpuang patay Martes ng umaga sa isang bakanteng lote sa Purok Kasanag, Barangay Mandalangan, Bacolod City ang isang lalaking negosyante na dinukot ng tatlong hindi pa kilalang lalaki noong Lunes ng gabi.

Kinilala ng puisya ang biktimang si Ontao Sacar, 66, residente ng nabanggit na barangay.

Ayon kay Police Lt. Col. Ariel Pico, tagapagsalita ng Bacolod City Police, dakong alas-6:25 ng umaga natagpuan ng isang concerned citizen ang bangkay ng biktima at itinawag ito sa kanilang himpilan.

Pinalibutan ng duct tape ang ulo ng biktima at may isang tama ng bala ito mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril. May nakasabit din na placard sa leeg nito na nagsasabing “Wag tularan big time pusher ako”.

May nakasulat din sa tiyan ng biktima na “I love drugs” na mayroon pang smiley na emoticon.

Napag-alaman na dinukot ang biktima dakong alas-9:20 Lunes ng gabi habang naglalakad kasama ang kanyang asawa sa Burgos St., Brgy. 8 sa nasabing lungsod, galing sa kanilang tindahan sa 888 Chinatown mall.

Ayon kay Pico, patuloy pa ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang mga may kagagawan ng krimen. (­Edwin Balasa)