Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Negosyanteng binakbak sa social media rumesbak ng cyber libel, child abuse

0 110

Dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) ang negosyanteng si Rose Nono-Lin kaninang umaga Nobyembre 16, (Martes) para paimbestigahan at kasuhan ang mga nagpapakalat ng malisyosong social media post na nag-aakusang sangkot sa droga umano ang kaniyang asawa at nagdadawit sa kanilang mga anak na pawang mga menor de edad sa naturang isyu.

Tinukoy ni Lin sa NBI ang ilang social media page at mga personalidad na naglalabas ng mapanirang-puring mga pahayag laban sa kaniya at sa kaniyang asawa, maging sa partidong Malayang Quezon City, kung saan siya tumatakbo bilang kinatawan ng Distrito Singko ng Quezon City.

“Malinaw naman po na ginagamit ang ganitong uri ng mga post para sirain ang aking pangalan habang papalapit na ang eleksiyon,” ani Lin.

Sa naturang Facebook posts na inilabas laban kay Lin, tahasang inisa-isa ang mga dahilan umano kung paano nasangkot ang asawa ni Lin na si Wei Xiong Lin sa mga iligal na gawain. Bukod dito, dahil sa pagtakbo umano ni Lin sa Kongreso sa ilalim ng nasabing partido ay malaki ang posibilidad na isa itong drug-funded election campaign.

Ayon sa reklamo ni Lin kalakip ng naturang mga post ang litrato ni Lin kasama ang kaniyang asawa at mga anak, kopya ng campaign posters ng Malayang Quezon City, at mga larawang may kinalaman sa drug matrix na iniimbestigahan sa Senado.

Inisa-isa rin ang iba’t ibang news sources na naglalaman umano ng mga impormasiyon tungkol sa mga kasong kinasangkutan noon ng asawa ni Lin kasama sina ex-presidential adviser Michael Yang at Johnson Chua na may kaugnayan naman umano sa isang pangunahing sindikato ng iligal na droga sa bansa, pati na ang iba pang mga isyung hindi na raw naimbestigahan nang mabuti o siniyasat man lang.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Giit ni Lin, matagal nang napasinungalingan ang mga nasabing isyu laban sa kaniyang asawa dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya. Sa mga nakaraang pagdinig sa Senado, sinabi ni Lin na wala umanong kasong naisampa sa korte laban sa kanila. Kampante rin si Lin nang sabihing ang asawang si Wei Xiong Lin ay may NBI clearance at isang lehitimong negosyanteng Chinese na nagbabayad ng tamang buwis. Tiwala rin daw siya sa kaniyang asawa at sa mga negosyo pinapasok nito.

Matatandaang sa House Hearing on Overpriced DOH Purchases noong ika-15 ng Setyembre, mismong si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva ang nagsabi umano at nagpakita ng mga ebidensiyang maglalayo sa asawa ni Lin sa personalidad ng Chinese national na si Wen Li Chen na naaresto noon sa Cavite sa kasong may kaugnayan sa droga at pinakawalan din kinalaunan dahil umano sa teknikalidad.

Tinawag din ni Villanueva na “tsismis” ang kuwento na nagbubuhol sa personalidad nina Wen Li Chen at Wei Xiong Lin na asawa ni Rose Lin.

Mahaharap ang mga akusado sa kasong cyber libel sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012” na may mas malubhang parusa sa libel na pagkakakulong nang mula anim na taon at isang araw hanggang sampung taon dahil sa lawak ng maaaring maabot ng pagbibintang at iba pang malisyosong akusasiyon.

Naghain din si Lin ng kasong child abuse o Violation of Republic Act 7610: Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) laban sa mga naturang social media page at personalidad dahil sa malisyosong pag-upload ng litrato ng kaniyang mga anak na pawang menor de edad.

Leave A Reply

Your email address will not be published.