Abante Tonite Interactive

Negosyanteng naka-BMW nilikida ng nakamotorsiklo

281

Patay ang isang negosyante nang pagbabarilin ng hindi kila­lang gunman na sakay ng motorsiklo sa Barangay CAA BF, Las Piñas City kamakalawa.

Sanhi ng dalawang tama ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril, dead-on-arrival sa University of Perpetual Help Hospital ang biktimang si Michael Padlan, 42, may-asawa, taga-Block 19, Elizalde St., EVS Subdivision, CAA/BF International ng nasabing lungsod.

Sa report ng Southern Police District, alas-sais ng gabi nang maganap ang insidente sa Palace St., Southland, Brgy. CAA/BF International, Las Piñas City.

Ayon sa pulisya, minamaneho ng biktima ang silver grey na BMW X5 na may plakang AOT 88 kasama ang asawang si Ann Pearl Evangelista nang biglang sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka na minamaneho ng isang lalaking may takip ng panyo sa bibig.

Paglapit ng motorsiklo, dito na nagpaputok ang suspek at nang masigurong napatay ang una ay mabilis nang tumakas.

Kaagad naman isinugod ng ginang ang mister sa pagamutan subalit idineklara itong dead-on-arrival.

Patuloy ngayong nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad. (Armida Rico)