Abante Tonite Interactive

Negosyo ng Technovanti walang pinag-iba sa pyramiding — SEC

319

Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) hinggil sa isang kompanya na kumukuha o nagso-solicit umano ng investment sa publiko.

Ayon sa SEC, walang permit ang Technovanti Neteligence Inc. na kumuha o mag-solicit ng investment sa publiko.

Sabi ng SEC marami na silang natatanggap na ulat at mga katanungan tungkol sa Technovanti.

Iginigiit umano ng Technovanti na 100% na lehitimo ang kanilang operasyon. Pero sabi ng SEC, kailangan ng hiwalay na lisensiya para mag-alok ng investment at wala ang Technovanti nito.

Dagdag pa ng SEC, ang pagrerehistro bilang isang korporasyon ay hindi sapat na awtoridad para mag-solici­t ng investment dahil ibang lisensiya iyon.
Ayon sa impormasyong nakalap ng SEC, paid-to-click program ang gimik ng Techno­vanti kung saan sinasabi nitong kikita ang mga tao sa panonood ng video.

Dalawang complan ang alok ng Technovan­ti: Isang P1,000 at isang P1,500 na may kasamang alkaline capsule product.

Makakukuha umano ng P500 bonus sa pagkuha ng kahit aling complan at P1,500 na YouTube viewing reward na katumbas ng P300 kada araw sa isang video na pano­noorin.

May alok pa itong passive income tulad ng P100 sa bawat marerecruit at leader­ship bonus pati na iPad, bakasyon sa Ibiza at Caribbean cruise, sports car, at food cart business.

Ang catch? Ang minimum encashment ay P3,000 kaya kumukuha ang mga nauuto ng maraming account.

Sabi ng SEC, May 22, 2018 naglabas ng babala laban sa mga paid-to-click program na walang pinag-iba sa pyramiding o Ponzi scheme kung saan ang kita ng mga tao ay kinukuha lang sa mare-recruit nila dahil wala naman itong malinaw na pagkakakitaan.
(Eileen Mencias)