Abante Tonite Interactive

NEGOSYONG CLICK

By
1,245

Pisonet. Ito ang ­negosyong puwede sa bahay lang at ‘di kalakihan ang kailangang puhunan.

Dahil sanay ang mga Pinoy sa tingi-tingi o pa-piso-piso lang mas madami­ ang mga parukyano­ ng pisonet na mahilig sa Facebook, Tweeter, Youtube, gaming at mga nagri-research na mga estudyante.

Hindi na kailangang bantayan, kusang magbu­bukas kapag hinulugan ng piso at automatic ding mamatay kapag naubos na ang oras.

Madali itong i-setup dahil naka-box na ang buong unit, naka-lock ang coin box pati ang monitor. Kailangan mo lang maghanda ng maraming piso para mabaryahan ang mga buong perang dala ng mga customer.

Paano proteksyunan?

Hindi matakaw sa espasyo ang pisonet, dalawa hanggang sampung unit basta’t kasya sa garahe o loob ng bakuran puwede nang magsimula. Para sa proteksyon ng mga unit dapat nakasilong upang hindi mabasa just in case na umulan. Madaling masira agad ang pisonet kapag nabasa at mag-short ciruit.

Rekisitos sa negosyo

piso-netKatulad ng ibang negosyo kailangan ng barangay at business permit. Hindi mo naman siguro nanaising makumpiska ang mga ito kasama ang puhunan kung hindi legal ang operasyon.

Ang bayad sa permit ay depende sa bilang ng unit, madali lang naman ang proseso, magtanong lang sa barangay hall na nakakasakop sa inyong lugar.

Pakulo para pumatok

piso-netDapat mabilis ang internet, kapag kasi mabagal o gumagapang ang net speed siguradong iiwan ka ng mga customer. Ang mga apps tulad ng Youtube at net games ay nangangailangan­ ng mabilis na internet para hindi huminto at mag-­buffer ang mga pinapanood na movies.

Hindi katulad ng mga internet café na per oras ang bayad (P15-20 kada oras), piso kada apat na minuto ang bayaran sa pisonet. Ang timer nito ay adjustable, depende sa diskarte, mas mahabang minuto kada piso, mas maraming customer ang makukuha mo.

Abot-kayang puhunan

piso-netAng presyo kada unit ng pisonet ay depende sa laman at specs na naka-karga rito. Mas mataas na specs mas mahal. Kapag brand new lahat ng karga nito posibleng umabot mula P10,000 hanggang P20,000. Mas mura ang mga pisonet na secondhand ang mga specs na karga at nagkakahalaga ng mula P10,000. I suggest na magsama ng computer­ technician para hindi maloko at macheck-up na in good condition ang mga parts nito.

Maraming nagbebenta ng pisonet sa Gilmore ­Aurora Blvd., Quezon City at Raon sa Quiapo, Manila. Nagkalat din ang for sale sa internet, paalala­ lang, dapat kaliwaan ang bayaraan. Ibig sabihin dapat nasa iyo na ang mga unit bago bayaran.

Sapat na kita

piso-netMagkano ang posibleng kita kapag sampung oras ang operasyon, may limang unit, at Php 1 kada 4 na minuto ang charge?

10 hours = 600 minutes

600 ÷ 4 minutes = Php 150 per unit

Kung meron kang 5 unit x 150 = Php 750 per day

Php 750 x 30 days = Php 22,500 per month

Mababawasan pa ito ng more or less Php 4,000 pambayad sa internet at kuryente. Kadalasang deep freeze ang ginagamit na apps para hindi masira ang mga program ng unit. Mas magandang mag-aral ng mga short courses sa computer maintenance para makatipid ng bayad sa mga technician.

Mas makakadagdag sa kita kung tatanggap ka ng printing job. May mga available na 3 in 1 unlimited­ ink printer sa market na matipid sa tinta at may kasamang scanner at copier­.

Ang singil kada print ay depende kung black & white o colored, mula dalawang piso kung all black at full text lang, samantalang limang piso pataas kung colored pictures with text.
Ano pa ang inaantay mo, simulan nang mag-negosyo para umasenso.