Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Nenay’ lalo kayang dumami?

0 122

Sa isang pag-aaral mga tropapips, inaasahan na aabot na sa 110.8 milyon ang populasyon ng Pilipinas sa 2021. Pero sa dami ng buntisan ngayong panahon ng pandemic, baka mahigitan pa ang naturang numero.

Sabat ng kurimaw nating matandang binata, kung ang mga ta-artits daw ang gagawing batayan sa dami ng mga natetesbun, aba’y puwede raw na magkatotoo ang analisa sa paglobo ng populasyon.

Mula kasi nang magkaroon ng lockdown noong Marso 2020, aba’y sunod-sunod ang mga artistang nabuntis, nanganak, nagsama o nagpakasal. Ang iba nga sa kanila, inilihim pa noong una ang kanilang pagbubuntis at ipinaalam na lang sa publiko nang manganganak na.

In fairview naman ika nga sa mga ta-artits, mga nasa tamang edad naman na sila at hindi mga menor de edad. Kung gusto nilang mabuntis kahit hindi pa kasal, aba’y desisyon na nila iyan. Ang iba namang ta-artists, mga may asawa na at kung hindi man first baby, dagdag-miyembro ng pamilya ang kanilang naging “lockdown” o “pandemic” baby.

Iyon nga lang, hindi lahat ng natetesbun ngayong may pandemic ay mga nasa tamang edad na. Katunayan nitong 2019, nakita na ang muling pagtaas ng mga kabataan na maagang nagiging ina, o iyong tinatawag na teen pregnancy.

Ang masaklap pa nito, batay sa isang ulat ng Commission on Population and Development (POPCOM), maging ang mga kabataan na edad 15 pababa [10 ang pinakabata] eh nagiging nanay na kaagad o “nenay” [neneng nanay].

Kumpara daw noong 2018, tumaas ng pitong porsiyento ang mga “nenay” noong 2019. Ang tanong, lalo pa kaya iyang tumaas ngayong pandemic lalo na noong panahon ng lockdown na marami ang nasa bahay at baka naglalaro ng bahay-bahayan, nanay-nanayan at tatay-tayanan? Malalaman siguro natin ang sagot sa ilalabas na datos ngayong taon.

May mga nagsasabi na maganda ang magkaroon ng anak habang bata pa, pero hindi naman siguro sa edad na sampu na sinasabi ng mga eksperto na hindi pa lubos na develop ang kanilang pangangatawan para magbuntis at magsilang.

Ayon sa POPCOM, kung noong taong 2000 ay 755 lang ang “nenay,” nitong 2019, umabot sila sa 2,411. Aba’y totoo ba na maagang nagkakaroon ng buwanang dalaw ang mga babae ngayon? At ilan taon kaya ang mga kulokoy na lalaki na nambuntis sa mga neneng ito?

At sa isa pang datos, lumalabas din na 62,510 ang kabuuang bilang ng mga babaeng menor de edad [18 anyos pababa] ang nagsilang noong 2019, mas mataas ng bahagya sa 62,341 na naitala noong 2018. Iyon nga lang, lumalabas din na patuloy ang pagdami ng teenage pregnancy sa bansa sa nakalipas na siyam na taon.

Habang dumadami ang nabubuntis, nababawasan naman ang mga nagpapakasal; na batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, 431,972 ang ikinasal noong 2019, na mas kaunti sa 449,169 noong 2018, at malamang mabawasan uli sa 2020 at 2021 dahil sa lockdown at pandemic.

Ngunit sa hirap ng buhay ngayon panahon ng pandemic, napapanahon bang bumuo ng pamilya kahit mahirap maghanap ng trabaho, mahirap maospital, mahal ang bigas, mahal ang baboy at higit sa lahat–mahal ang sili.

Bagaman marami nang problema ang bansa, marapat lang na pagtuunan din ng pansin ang mataas na teenage pregnancy lalo na sa mga nene dahil kung hindi ito maagapan eh baka maging isa ring “pandemic.” Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.