Abante Tonite Interactive

Nene dinukot sa Tondo, nasagip

By
210

Nasakote ng mga nakaistambay na barangay tanod ang isang babae na nagtangkang tumangay sa isang 5-anyos na batang babae habang naglalakad kasama ang kanyang ina kamaka­lawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Hawak na ng Manila Police District (MPD)-Police Station 7 ang suspek na si Sally Casiano, 40-anyos, residente ng Talavera, ­Nueva Ecija at sasampahan ng kasong kidnapping of minor.

Ayon kay PO1 Sheila de Guzman, ng MPD-PS7, dakong ala-7:15 ng gabi nang maaresto ang suspek sa Solis St., Tondo.
Naglalakad lamang umano ang 5-anyos na bata kasama ang kanyang ina sa lugar nang bigla na lang silang ­lapitan ng suspek.

Kasunod nito, big­lang hinablot ng suspek ang bata mula sa ina nito at galit na sinabing, “Uy, pamangkin ko ito ah! Anak ng kapatid ko!” saka tinangkang tanga­yin ang bata.

Nagkataon umano na nakita ng mga barangay official sa lugar sa pa­ngunguna ni First Kagawad Dolores de Guzman ng Brgy. 215, ang insidente kaya sinaklolohan ang mag-ina.