Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nene pinapak ng itlog vendor

0 123

Bakal na rehas ngayon ang hinihimas ng isang tindero makaraang himasin ang kaselanan ng walong taong gulang na batang babae na bumibili sa kanya ng itlog sa Barangay North Fairview, Quezon City, Huwebes ng hapon.

Ang suspek na si Roger Refil, 38, driver, may live-in partner, at naninirahan sa Mark St., Phase 8, Brgy. North Fairview, ay inireklamo ng 34-anyos na ina ng biktima na residente ng Brgy. North Fairview, Quezon City.

Sa report ni P/SSg. Gemalyn Verbo ng Women and Children Protection Desk ng Fairview Police Station 5, ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-kuwatro kamakalawa ng hapon nang maganap ang insidente sa tindahan ng suspek.

Batay sa reklamo ng nanay, pinabili niya ng itlog ang 8-anyos niyang anak na babae na itinago sa pangalang Nene sa tindahan ng suspek.

Pero habang iniaabot ng suspek ang binibiling itlog ni Nene ay hinawakan at hinimas umano ni Refil ang kaselanan ng bata kaya nagsumbong ito sa kanyang ina.

Dahil dito ay agad na ini-report ng ina ng biktima ang ginawang kahalayan ng suspek kaya agad binitbit ng mga pulis sa presinto ang tindero.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 7610 o acts of lasciviousness. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.