Abante Tonite Interactive

Netherlands Embassy nilusob ng mga militante

305

Sinugod ng mga militanteng Multi Sectoral Coalition ang tanggapan ng Netherlands Embassy sa lungsod ng Makati upang ipanawagan ang patuloy na pagre-recruit ng makakaliwang grupo ng New Peoples Army (NPA) na pinamumunuan ni Jose Maria ‘Joma’ Sison at ti­gilan na ng Dutch Government ang pagkupkop dito para mapauwi sa bansa.

Dakong alas-10:00 nang umaga nang sugurin ng nasabing grupo ang nasabing tanggapan na matatagpuan sa Paseo de Ro­xas corner Buendia ng nasabing lungsod na kinabibilangan ng mga magulang, urban poor at youth na kung saan nanawagan na tigilan na ang pagkakanlong sa lider ng NPA-NDF terrorist na si Joma Sison at agad na maaresto at harapin ang kanyang kaso dito sa bansa.

Ang panawagan ng mga magulang ay bunsod ng patuloy pa rin ang pag-recruit ng makakaliwang grupo ng NPA na pinamumunuan ni Sison sa kanilang mga anak na nag-aaral kung saan hinikayat para sumama sa kanilang kilusan.

Ayon kay Remie Rosadio, lider ng Liga Ng Mga Magulang, hinikayat ng makakaliwang grupo ng mga NPA terro­rist ang mga mag-aaral sa kolehiyo at unibersidad para sumama sa kanilang kilusan para labanan ang gobyerno.

Bantay-sarado naman sa mga tauhan ng Makati City Police ang ginawang pagsugod ng mga nasabing grupo upang maiwasan ang anumang sakitan o sakuna sa naturang lugar.

Hindi naman nagtagal ang grupo makalipas ang kalahating oras ay nilisan na rin ang naturang lugar.

(Armida Rico)