Abante Tonite Interactive

New Clark City pag-asa ng mga atletang Pinoy

338

World class – ‘yan ang naging deskripsyon ni Philippine Sports Commission Commissioner Ramon Fernandez nang masilayan ang patapos nang New Clark City.

Napatango na lang ako bilang pagsang-ayon.

Naalala ko pa noong makapanayam ko si Sir Ramon noong 2018, matagal nang hinihingi ang suporta ng gobyerno para sa mga national athlete.
Ngayon ay tila unti-unti nang naisasakatuparan ang kanyang misyon para sa mga atletang Pinoy.

Sa aking pagbisita sa New Clark City, kapansin-pansin ang pagka-busy ng mga tao para saktong mapasinayaan sa 30th Southeast Asian Games 2019 na nakatakda sa parating na Nobyembre 30-Disyembre 11.

Pinasilip sa amin ang Athletics Stadium sa NCC sa Capas, Tarlac na halos patapos nang gawin.

Sa disenyo pa lang ay kaya nang makipagsabayan sa ibang bansa, dagdag pa ang 20,000 maximum capacity na sakto sa malalakihang event tulad ng SEA Games.

Sa Aquatic Center naman, bagama’t marami pang kukumpunihin ay makikita sa istraktura nito na pinag-isipan ang pagkakagawa kahit noong 2018 lang ito sinimulang buuin.

Ngunit ang nagpahanga sa akin ay ang Athletes Village na talagang makasasagot sa mga problema ng atletang galing pa sa malalayong lugar.

Sa ilang palapag na mala-studio type na condo ay papatirahin ang mga national athlete kahit pa matapos na ang SEA Games.

525 kuwarto ang bubuksan para sa 2,100 atleta na magsasama-sama sa iisang bubong.

Magandang adhikain ito para mas lalo pang umusbong ang palakasan sa bansa lalo’t malapit na lang ang mga top notch training facility sa mga atleta.