Abante Tonite
Mabilis sa Balita

New normal ang krimen

0 599

Kahit nandiyan pa rin ang panganib ng COVID-19 pero parang virus din mga tropapips na nagbalik na ang mga krimen. Pero matindi agad ang hagupit nila dahil ilan sa mga krimen, pulis pa ang kasangkot.

Bago maghasik ng lagim sa mundo at sa Pilipinas ang made in China na COVID-19, may mangilan-ngilan na rin na mga lespu na nasangkot sa kalibugan, este kalokohan na nang-aabuso ng mga babae, na ang ibang pinupuntirya nila eh sangkot sa droga o nakakulong.

Pero matindi ang ipinaparatang sa dalawang pulis sa Cabugao, Ilocos, dahil kung paniniwalaan ang police report eh ginamit nilang dahilang ang “curfew” para kunin daw ang dalawang babae na edad 15 at 18 na nakiki-party.

Sa halip na sa presinto o ihatid sa bahay ang dalawang babae, hinalay daw ang 18-anyos at minolestiya naman ang 15-anyos. Nagsampa ng kaso laban sa dalawang pulis ang mga biktima, ngunit sa kasamaang palad eh itinumba pa raw ng dalawang pulis ang 15-anyos na biktima.

Tanong ng ating kurimaw na pangarap maging sundalo pero takop humawak ng baril, bakit ang lakas ng loob ng mga hinayupak na pulis na gumawa ng ganung krimen? Posible raw kaya na nakagawa na sila ng ganung krimen noon pero nakalusot kaya umulit? Puwede.

Dapat naman kasi eh tuloy-tuloy ang paglilinis ng PNP sa kanilang hanay laban sa mga bugok nilang kasamahan. Gaya ng bulong ng isa pa natin kurimaw tungkol sa insidente sa Parola, Tundo na may mga armadong nakasibilyang pulis na pumasok sa isang bahay dahil mayroon daw sumbong na may nagtutulak doon ng droga.

Pero ang dinatnan nila sa bahay ay mga bata na-trauma at isang babaeng maysakit na muntik nang himatayin sa nerbiyos. Walang search warrant at walang arrest warrant ang mga buraot na pulis na parang mga bandidong pumasok sa bahay. Madali raw palang utuin ang mga pulis dahil sa sumbong lang eh kikilos na sila kahit walang basehan. o ebidensiya.

Dahil mahirap ang nakatira sa pinasok na bahay at siyempre takot dahil mga pulis ang sangkot, nakalusot na parang walang kasalanan ang mga pulis—na malamang eh uulit sa mali nilang gawain kasi nga nakalusot, at hinayaan ng kanilang mga opisyal.

Bukod sa mga manyakis at utak-bandidong lespu, kontrabida rin ang dating ng mga pulis sa Jolo, Sulu na rumatrat at nakapatay sa apat na sundalo. Puna ng mga sundalong sumaklolo sa mga kasamahan nilang niratrat, wala raw silang inabutang pulis sa lugar at iniwang nakahandusay ang mga biktima.

Aba’y natural na botak na ang siyam na lespu na nakapatay sa apat na sundalo dahil alam nilang hindi na nila magugulangan ang mga paparating na sundalo at tiyak na ubos sila kapag nagkabakbakan dahil mas sanay sa harapang bakbakan ang mga sundalo sa Mindanao.

Bukod sa mga krimen na ito na lespu ang sangkot, matindi rin ang krimen na ginawa sa isang babaeng “transporter” na tinadtad ng saksak sa loob ng kaniyang sasakyan sa Laguna. Sa Maynila naman, sa barangay kagawad na humalili bilang kapalit ng dating barangay chairwoman na binansagang “Manila Drug Queen” ang tinadtad ng bala sa loob ng kaniyang tanggapan sa Maynila.

Habang isinusulat natin ito, wala pang nahuhuling mga suspek sa pagkamatay ng babaeng transporter at sa barangay kagawad. Ang maganda, ang lespu na nanggahasa at pumatay sa Ilocos at mga lespu na bumaril sa mga sundalo eh pawang arestado na. Ano ang ibig sabihin nito, mas mahusay raw bang gumawa ng krimen ang mga hindi pulis?

Pero isa lang ang ibig sabihin nito mga tropapips, bukod sa virus na COVID-19, balik din sa new normal ang back to normal na mga krimen na kayang lumusot sa community quarantine kaya dapat na naman tayong mag-ingat. At ang PNP, dapat linisin muli ang kanilang hanay at walisin ang mga utak-bandidong pulis. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.