Abante Tonite
Mabilis sa Balita

New Year walang ingay

0 164

Grabe sa bilis ang paglipad ng panahon. 2022 na! Parang dumaan lang ang pagdiriwang ng New Year. Walang masyadong ingay at dahil sa kahirapan ng buhay ngayon ay mukhang itinulog na lang ng mga Pinoy ang Bagong Taon.

Pero may pandemya man, nagdurusa man sa kahirapan ang mga kababayan nating sinalanta ng bagyo sa Katimugan, ang pagbati ng Happy New Year ay hindi pa rin mahaharangan.

Harinawang maging mabait sa mundo ang taong ito. Sana nga ay bumalik na sa kanormalan ang ating buhay. Sana ay mawala nang parang bula ang virus na nagpapahirap sa atin.

Paolo ganado kay Yen

Sa kabila ng kanilang pananahimik nitong mga nakaraang buwan ay hindi pa rin nakalusot sa mapanuring mata ng mga Marites sina Paolo Contis at Yen Santos.

Talagang ayaw silang tantanan ng kontrobersiya, nakamaskara na halos ang dalawa ay lumutang pa rin ang kuwentong magkasama silang nagbakasyon sa Boracay at du’n sila nagpalipas ng Bagong Taon.

Mukhang matindi ang lason ng pana ni Kupido na tumama kina Paolo at Yen. Anumang panggugulo ang gawin sa kanila ay nananatiling matatag ang kanilang pagmamahalan.

Wala man silang inaamin ay kitang-kita naman ang pagpapahalaga nila sa bawat isa. Kapag matindi talaga ang kapit ng dalawang puso ay walang makapipigil sa kanila.

Ayon sa isang malapit kay Paolo na nakakuwentuhan namin ay nagsisilbing inspirasyon ni Paolo si Yen. Nakapagtatrabaho nang maayos ang aktor dahil may isang taong nagbibigay sa kanya ng saya. Matagal na raw na hindi ‘yon natitikman ni Paolo.

Sa aming tanong kung bakit ay simple nitong sinabi na matagal nang hindi maganda ang takbo ng relasyon nina Paolo at LJ Reyes. Palagi nang mabigat ang kalooban ni Paolo kapag nagre-report siya sa trabaho.

Sabi pa ng aming impormante, “Di ba, kapag ganu’n, e, apektado ang work ng artista? ‘Yon ang lumabas na kuwento na palagi lang nasa isang tabi si Paolo, walang kibo, parang pasan niya ang daigdig.”

Wala nga namang relasyong bigla na lang umasim. Paunti-unti ang pagbabago, hanggang sa tumaas na ang problema, hanggang sa magdesisyon na silang maghiwalay.

“Di ba, nagsimula ‘yon sa pagtatanggal ni LJ sa mga pictures ni Paolo sa social media account niya? Meron pa ring pictures sina Paolo at Summer sa account niya, pero wala nang picture ni LJ.

“Du’n na nag-umpisa ‘yon, hanggang sa umalis na nga si LJ at ang mga anak niya,” dagdag na istorya pa ng aming source.

Ang pagdating ni Yen sa buhay ng aktor, ayon sa aming source, ay isang inspirasyon. Maganang magtrabaho si Paolo dahil may nagpapasaya sa kanya. ‘Yon ang kasagsagan ng lock-in taping niya para sa tambalan nila ni Heart Evangelista.

Napkin cloth ni Alden type harbatin

Tuwang-tuwa ang mga kaibigan naming nagkaroon ng pagkakataong makasama sa picture si Alden Richards sa Amerika. Parang kinumpleto ng Pambansang Bae ang pagdiriwang nila ng Pasko at Bagong Taon.

Pero hindi basta ang kilig nila at kaguwapuhan lang ni Alden ang palagi nilang naaalala ngayon kundi ang kung gaano ka-humble at kabait ang aktor sa kanila.

Sa isang Korean restaurant nila natiyempuhan si Alden kasama ang kanyang mga kaibigan. Nang makiusap ang mga kaibigan namin para sa pakikipag-selfie ay si Alden pa mismo ang tumayo para lumapit sa kanila.

“Nakakainis! ‘Yong napkin cloth na ipinampahid niya sa mouth niya bago siya lumapit sa amin, hindi ko nakuha! Dapat, kinuha ko na lang ‘yon para may remembrance ako!” nakakaloka pang sabi ng aming kausap.

Ang pagiging mapagkumbaba, mabait at walang kaere-ere ang kumpletong naglalarawan kay Alden Richards bilang tao. ‘Yon ang lalo pang nagpapataas sa kanyang imahe bilang artista.

Marunong magbalik ng pasasalamat sa mga taong sumusuporta sa kanya, alam niya na ang publiko ang dahilan ng kanyang kasikatan, matanaw ng utang na loob si Alden Richards.

Leave A Reply

Your email address will not be published.