Abante Tonite Interactive

Next please

412

Nicanor Faeldon, Ro­nald ‘Bato’ dela Rosa, mga matitikas na pangalan sa larangan ng integridad at katapatan. Mga tauhan na ipinagmama­laki at pinagkakatiwalaan ng Pangulong Duterte na maitatawid ang kanyang kagustuhang ituwid at palakarin nang malinis ang gobyerno. Mga taong parehong nasira matapos ilagay sa Bureau of Corrections (BuCor).

Bagama’t ang kalokohan ay pumutok sa ilalim ng pamumuno ni Faeldon, hindi maiiwasang isipin na nangyayari rin ito sa panahon ni Bato dela Rosa.
Swerte pa rin si Bato, kung nadiskubre ang GCTA bago mag-eleksyon, malamang hindi ho siya naging senador.

Kahapon, binanggit ni Senador Bong Go sa aming panayam ni Weng Salvacion, naniniwala raw si Pangulong Duterte na hindi korap ang dalawang opisyal.

Ang na­ging problema lang nila ay napaikutan sila ng kanilang mga tauhan.

Kumbaga, lahat ng tao sa kanilang ilalim ay korap, sila lang ang hindi.

Mawalang galang na po sa kanilang dalawa, dahil maraming mga Pilipino ang naniniwala na ang korap at inkompetente ay walang halos pinagkaiba. Pero, hindi niyo naman sila lubusang masisi dahil nadatnan na nila ang sistema.

Nabunyag ang testimonya kahapon ni da­ting BuCor chief Rafael Ragos, ang sari-saring raket at kalokohan sa loob ng Bilibid. Pagpasok ng babae, 24 oras na sugalan, pangungupit sa pondo sa pagkain, pagpapatakbo ng iligal na droga at kung ano-ano pa. ‘Yung isyu ng pasalubong sa mga bagong u­pong BuCor chief. Hindi mo naman hinihingi pero dumadating na lang sa tanggapan mo ang pera. Ang tara sa mga bigtime inmate ay isandaang libo bawat isa kada linggo. Ilan ba sila doon? Sabi ni Ragos noong kanyang panahon, nasa labing pito. Siyempre, ‘yun lang ang sabi ni Ragos pero I’m sure it was understated. That’s close to two million a week. Manliliit ang korapsyon sa Customs kung ikukumpara sa korapsyon sa BuCor.

Related Posts

Maaaring mapatino ang pagpapatakbo sa Bilibid pero hindi sa madaling hinaharap. Bakit? Nakalatag na po ang masamang sistema diyan. Ang nagpapatakbo sa BuCor ay hindi ang gobyerno. Ang nagpapatakbo sa BuCor ay hindi ang mga tauhan na inilalagay nila doon. Ang nagpapatakbo sa BuCor ay ang mga bigtime convict. Ang mga tao ng gobyerno ay tumatanggap lamang ng ganansiya mula sa mga convict na nagdidikta kung paano patatakbuhin ang Bilibid.

Ilang mga rekomendasyon, kung sakaling seseryosohin ng gobyerno na patinuin ang pa­lakad dito.

Una: Ibalik natin ang death penalty. Kung merong death penalty, hindi na natin poproblemahin sa oblo ang mga heinous criminal. Mga low risk convict na lang ang itira natin sa Bilibid. Makakatipid pa sa pondo ang gobyerno at the same time, mataas ang posibilidad na sila ay mapagbago natin, ergo makabalik sila sa mainstream at maging produktibong miyembro muli ng lipunan.

Ikalawa: Mag-develop tayo ng bagong Bilibid community na malayo sa kalunsuran, maganda ang pasilidad (tutal reformation naman ang pa­kay natin). Ang dapat sa kasalukuyang Bilibid ay sunugin hanggang sa tuluyan itong maabo, para mawala na ng tuluyan ang mga kubol at kontrabando sa loob. Malaking pera ang kakailanganin para sa hakbang na ito. Puwede tayong mag-abono muna tapos ibenta natin ang Muntinlupa. Prime property po ‘yan at maibebenta sa magandang halaga na maaa­ring pampuno sa ating inabono.

Ikatlo: Hindi ito isyu ng taong magpapatakbo nang matino. Ito ay isyu ng sistemang matino na patatakbuhin ng tao. Maglatag ka ng correctional system na ligtas sa korapsyon, ligtas sa human intervention.

Naghahanap daw ang Pangulong Duterte ng matino, tapat na tao para pumalit kay Faeldon at patakbuhin nang maayos ang BuCor. Good luck Mister President. Pero ako’y duda na makakahanap ka. Ang taong mapipili ng Pangulo ay ang susunod na halimaw na hindi mamatay-matay. Siya ay kakainin din ng sistema. Ang dapat na lamang nating abangan ay ito: Hanggang sa susunod na kontrobersiya. Hanggang sa susunod na taong ipapalit na kakainin din ng sistema. Next please…