Abante Tonite Interactive

NFA rice inisnab ng mga konsyumer

By
228

May supply man ng NFA rice sa merkado ay hindi nito kinayang ha­takin pababa ang presyo ng commercial rice dahil sa pangit na klase ng ibinebentang P27 per kilo na bigas ng National Food Authority.

Ito ang iginiit ng grupong Bantay Bigas kung saan ilang nego­syante maging consumer ang nagpaabot sa kanila ng reklamo sa pangit na klase ng P27 NFA rice na maitim at durog-durog.

“Ang nangyayari kasi may NFA supply pero wala sa merkado dahil maraming palengke ang hindi nagbebenta kasi hindi maganda yung NFA rice, noong una daw ay kayang ipagsabayan sa commercial rice pero itong huling deliver ay pa­ngit” paliwanag ni Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estabillo.

Ilang mamimili naman ang tinanong ng Tonite kung ano ang masasabi nila sa NFA rice at kung tinatangkilik nila ito.
Sinabi ni Grace Andaya ng Paco Maynila na P32 NFA rice ang kanyang binibili dahil hindi nila masikmura ang P27 NFA rice na parang pagkain ng manok.

“Durug durog kasi yung P27 hindi mo makain pag naluto kaya kung hindi P32 na NFA rice ay yung commercial rice ang binibili namin, wala na ngang masarap na ulam pangit pa bigas kaya dagdag kami konti para sa mas maa­yos na bigas,” paliwanag ni Andaya.

Aminado naman ang isang Bigasan owner sa Paco Maynila na hindi na siya nagbebenta ng NFA rice dahil walang bumibili nito.

“nasisira lang eh, yung mga tao ang habol ay magandang bigas” dagdag pa nito.

Aminado ang Bantay Bigas na ang problema sa supply at kalidad ng bigas ay palaging magiging problema ng bansa kung hindi tuluyang tututukan ang problema sa bigas.

Naniniwala si Estabillo na ang kawalang aksyon sa problema sa bigas ay pagkondisyon sa isip ng mamamayan para maisulong na ang Rice Tarrification Act kung saan sinasabi ng pamahalaan ay magpapababa ng P5 hanggang P7 kada kilo sa kasalukuyang presyo ng bigas.

Tutol ang grupo sa isinusulong sa Rice Tarrification Act dahil sa kanilang karanasan ay mula 1994 ay nag-iimport na ng bigas at hanggang sa hindi nabubuwag ang mga rice kartel ay hindi pa rin kayang madiktahan ang presyo sa merkado.