Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nguyain natin si ‘Bubble Plus’

0 384

Dahil umaariba na naman mga tropapips ang dami ng nagkaka-COVID-19, walang ibang maisip na sisisihin ang mga opisyal natin kung hindi ang mga tao na nagpabaya at naging kampante raw sa pandemic.

Bago sumirit sa mahigit 8,000 ang arawang COVID cases, ilang araw mga tropapips na napababa na at hindi umabot sa 1,000 ang mga tinatamaan ng virus.

Nang bumaba ang COVID-19 infection, aba’y siyempre panay ang papuri ng mga opisyal sa kanilang sarili dahil daw sa mahusay na contact tracing, mas maraming COVID test at mahigpit na health protocols.

Pero nang sumisipa na sa higit 5,000, naging higit 7,000 at umabot na sa 8,000, at baka sumampa pa sa 10,000 sa pagtatapos ng Marso, aba’y ang mga tao na ang may kasalanan. Naging kampante raw, hindi na sumusunod sa health protocols, hindi nagbibigay ng tamang detalye sa contact tracing, mga nagpa-party na at kung ano-ano pa.

Ang tanong ng kurimaw natin na nagsasalita na ng COVID kahit tulog, ano ang ginawa ng mga opisyal nang magsimula nang maging kampante ang mga tao? Aba’y hindi ba mismong ilang opisyal, celebrities, at mga “influencer” pa nga ang napapabalitang lumalabag sa mga health protocols?

Kung tutuusin mga tropapips, dapat noong Pebrero pa lang eh naging “red flag” na sa mga opisyal (lalo na sa Department of Health at IATF) ang resulta ng isang survey ng Social Weather Station na nagsasaad na halos 70 porsiyento ng respondents o tinanong eh naniniwalang “the worst of the COVID-19 crisis is behind us.”

Anong ibig sabihin noon? Aba’y nakakaramdam na talaga ng pagkakampante ang mga tao bagaman ginawa ang survey noong Nobyembre 21-25, 2020. At nang bumaba pa ang kaso pagsapit ng Enero kahit pa dumaan ang Pasko at bagong taon, malamang mas tumaas pa ang kompiyansa nila.

Kahit nga ang Department of Trade and Industry at Department of Tourism, gigil na gigil na mag-todo operasyon kasi nga akala siguro nila eh “the worst of the COVID-19 crisis is behind us,” ika nga sa survey.

Dapat noon pa lang ay nagpaalala na ang mga opisyal na nanatili pa rin ang peligro lalo na’t mayroon mga bagong variant na mas nakakahawa. Noong kalagitnaan ng Enero, naitala na ang unang kaso ng UK variant. At hindi nagtagal, sumunod na ring nakapasok ng African variant.

At sa ulat ngayon ng DOH, lahat ng lungsod sa Metro Manila eh mayroon nang kaso ng dalawang variant, bukod pa sa naunang made in China na virus.

Kung “advance” lang mag-isip ang mga opisyal natin, dapat naalarma na sila sa UK variant pa lang dahil sa naging epekto nito sa United Kingdom. Sa tindi ng panghahawa ng UK variant, nag-lockdown ang London at bahagi ng England noong panahon ng Pasko para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Ngayon, nagkukumahog na naman tayo kung papaano mapapababa ang kaso ng COVID sa bansa sa pamamagitan ng paghihigpit sa galaw ng mga tao sa Metro Manila at kalapit na lalawigan na kung tawagin ay baboy, este “bubble.”

Dahil marami sa mga opisyal natin ang hindi “bibo” at “advance” mag-isip, siyempre ang mga tao ulit ang kailangang mag-adjust na parang kanta lang sa sitcom na: “Let’s chew it with the Bubble Plus.” Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.