Abante Tonite Interactive

Ni-rush kasi! 12K Toyota depektibo, binawi

449

Ipina-recall ng Toyota Motors Philippines ang mahigit 12,000 unit ng Toyota Rush na ibinenta sa bansa mula Abril 2, 2018 hanggang Pebrero 7, 2019.

Ayon kay Toyota Motors Philippines vice president Rommel Gutierrez, nanawagan sila sa mga may-ari ng Toyota Rush na binili sa nasabing panahon para dalhin ang sasakyan sa kanilang mga service center upang mapalitan ang depektibong curtain shield airbag computer.

Ayon kay Gutierrez, may problema ang airbag computer programming sa mga nabiling unit at maaaring lumobo ang mga ito kapag nabangga ang gulong sa likod ng sasakyan.

Sabi ni Gutierrez, sinulatan na nila ang mga kostumer para dalhin sa authorized Toyota dealer ang kanilang sasakyan upang mapalitan ng bagong airbag computer assembly nang walang gastos.

Ang bagong Toyota Rush ay nagkakahalaga ng P1.1 milyon at kasya rito ang pitong pasahero kasama na ang driver.

Sumulat si Gutierrez kay Department of Trade and Industry (DTI) Consumer Protection and Advocacy Bureau Director Domingo Tolentino Jr. para ipaalam ang special service campaign ng kompanya.(Eileen Mencias)