Abante Tonite Interactive

Nicko Falcis naniningil ng P12M kay Kris

750

Hindi pa rin nagwawakas ang isyu sa pagitan nina Nicko Falcis at Kris Aquino. Patuloy pa ring nilalaban ni Nicko ang kabayarang sa tingin niya ay dapat niyang makuha umano sa dami ng deal na naipasok niya kay Kris.

Bago ang naganap na demandahan nitong mga nakaraang buwan at ang pag-urong sa kaso, si Nicko ang naging managing director ni Kris.

Ayon sa report ng isang entertainment portal, nakasaad umano sa demand letter ang halaga ng mga deal na ipinasok ni Falcis sa Kristina C. Aquino Productions o KCAP.

Mahigit P12M ang hinihingi ni Nicko na pagkukulang umano ng dating employer niya. Bukod pa dito, mayroon din umanong mga komisyon na hindi nabayaran noong Agosto at Setyembre, 2018.

Nararapat lamang umano ito sa malaking kontribusyon niya sa mga deal at website ni Kris na kanyang mina-manage. Ayon pa sa sulat, mahigit 50 brands umano ang naipasok ni Falcis kay Kris nitong December 2018 at mahigit P100M ang kinita nito.

Sa ngayon ay wala pang reaksyon ang tinaguriang Queen of All Media sa demand ng dati niyang managing director. (Ronaline Avecilla)