Abante Tonite Interactive

Niemer, Petron rampa sa F4

324

SAMPA sa semifinals ang defen­ding champion Petron Blaze Spikers matapos akbayan ni import Stephanie Niemer sa 25-17, 25-11, 25-18 pa­nalo kontra Sta. Lucia Lady Realtors sa quarterfinals ng Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Hindi na nagpaligoy-ligoy ang may tangan ng twice-to-beat advantage na Blaze Spikers, dinispatsa agad nila ang problemadong Lady Realtors sa tatlong set upang mag-abang ng makakalaban sa susunod na phase.

Tumikada si Niemer ng 16 points mula sa 14 attacks at tigisang block at service ace para sa Petron na naghihintay ng makakaharap sa semis sa pagitan ng Cignal HD Spikers at ­United Volleyball Club.

Bago sumalang ang Blaze Spikers sa quarters sa event na suportado ng Asics, Mueller, Mikasa, Senoh, Team Rebel Sports, Bizooku, UCPB Gen, Cocolife, Hotel Sogo at Data Project ay sinagasaan nila ang 14 na nakatunggali sa preliminary round.

Malaki ang tsansang makalaban ng Petron ang HD Spikers dahil may hawak din silang twice-to-beat advantage at maaari nilang tapusin ang United VC sa Martes sa parehong lugar.

Samantala, ang ibang nabiyayaan ng insentibo ay ang last year’s runner-up at No. 2 seed F2 Logistics Cargo Movers at No. 3 PLDT Fibr. (Elech Dawa)