Abante Tonite Interactive

Nigerian tinambangan ng riding-in-tandem

By
1,785

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng apat na lalaking riding-in-tandem ang isang Nigerian habang sakay ito ng kanyang minamanehong kotse sa Brgy. Pamplona 3, Las Piñas City kahapon ng tanghali.

Sanhi ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Didicus U. Ohaeri, nasa hustong gulang at nakatira sa Bacoor, Cavite.

Base sa isinumiteng report ni Sr. Supt. Marion Balonglong, hepe ng Las Piñas Police, dakong alas-11:45 ng tanghali nang maganap ang insidente sa Alabang-Zapote Road sakop ng Brgy. Pamplona 3 kung saan pinagbabaril ng mga riding-in-tandem ang biktima na sakay ng kanyang Toyota Camry.

Sa magkabilang gilid ng sasakyan sumulpot ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklong walang plaka at sabay na pinagbabaril ang biktima.

Hindi pa mabatid ang motibo ng pamamaslang pero base umano sa rekord, nahuli na ng Bureau of Customs at Southern Police District ang biktima noong nakaraang taon dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.