Abante Tonite Interactive

Nilansi ng recruiter

214

Bigyang-daan natin ang liham ng ating tagasubaybay.

Ma’am Kaye ako po ay tagasubaybay ninyo dito sa Abante Tonite. Nandito po ako ngayon sa Jeddah. Ako po ay nakikinig sa inyo sa internet at nababasa ko rin ang inyong mga sinusulat sa internet online.

Ma’am Kaye tama po ang mga raket ng ilang mga recruitment agencies na nabanggit n’yo sa inyong artikulo. Ako po ay nabiktima na din ng isang recruitment agency sa atin sa Pilipinas noong una po akong nagtrabaho sa Jordan.

Dalawang beses po akong pinapirma ng kontrata. Una po ay sa loob ng opisina ng recruitment agency ko sa Pilipinas at pa­ngalawa po ay bago ako lumipad patungong Jordan na blangko po ang a­king pinirmahan.

Kinukuwestyon ko po bakit blangko pero wala na po akong panahon noon dahil ako po ay kailangan nang mag-check in para sa aking biyahe papuntang Jordan.

Hanggang sa eroplano po ay aking iniisip kung ano ang aking pinirmahan ng blangko hanggang sa nadiskub­re ko po na tungkol sa aking sasahurin ang aking napirmahan na iba po sa napirmahan ko sa Pilipinas na wala naman po akong kopya kaya napakahirap po sa akin na maghabol pa.

Ang napirmahan ko po ay ako ay sasahod ng ‘di kukulang sa 30 thousand pesos kada buwan ngunit ang binibigay lang po na sahod sa akin sa Jordan ay nagkakahalaga lamang ng 15 thousand at may bayad pa po ang aking tinitirhan kaya ang akin lamang pong naipapadala sa aking pamilya kada buwan ay nasa 6 thousand pesos lang po. Ganoon po ang ibang ahensya ma’am.

Saksakan ng dupang at talaga naman pong manloloko. Sana nga po ay gawin ng POEA ang suhestiyon n’yo na bago makaalis ang isang ni-recruit ng isang ahensya ay mismong sa airport ay mayroon nang puwedeng tumulong sa kanila.

Hirap lang po kasi lalo na sa mga first timer ay ‘di po nila alam ang kanilang gagawin kaya hirap na po silang magreklamo kagaya po ng ginawa sa akin noong una ko pong biyahe bilang OFW.

Ma’am marami pa pong pahirap ang ginagawa ng ilang ahensya na sana po ay mapa­sara na ng POEA. Kawawa po kaming mga OFW. God Bless po.

Antonio ng KSA