Abante Tonite Interactive

Nilimas

390

FOR THE RECORD
Boyet Jadulco

Lumikha ng ingay ang pag-alis sa puwesto ni dating Cebu City mayor Tomas Osmeña nitong nakaraang linggo.

Hindi lang kasi mga personal na gamit ang binitbit ni Osmeña kundi lahat ng gamit o muwebles ng kanyang kuwarto sa ika-8 palapag ng kanilang munisipyo.

Pati kisame, pader at tiles ay hindi pinatawad matapos itong bakbakin. Katwiran naman ni Osmeña, siya ang gumastos nito kaya’t natural lamang na iuwi niya ito pagkatapos ng kanyang termino. Pero duda ang Department of Interior and Local Government (DILG) at pinag-aaralan ang pagsasampa ng kaso laban sa dating alkalde.

Hindi na bago ang ganitong kalakaran lalo na kapag hindi kaalyado o kakampi ang nauupong alkalde o gobernador. May isang mayor nga dati ng Metro Manila ang hinakot ang lahat ng gamit sa city hall at dinala sa eskuwelahan ang mga personal computer. Wala akong nabalitaan na kinasuhan ang alkalde sa paglimas ng gamit sa city hall.

Bakit hindi nila gayahin ang kalakaran sa Senado. Anim na senador ang nagpaalam na dahil sa pagtatapos ng kanilang termino at pagkatalo sa nakaraang halalan. Graduate na sina dating Senador Gregorio Honasan at Antonio Trillanes IV. Natalo naman sa kanilang reelection sina JV Ejercito at Bam Aquino, habang si Chiz Escudero nanalong gobernador ng Sorsogon at si Loren Legarda ay kinatawan naman ng lone district ng Antique.

Si Legarda na nag-opisina sa ikalawang palapag ng Senado, nagdesisyong iwan na lamang ang mga muwebles at mga nakasabit sa dingding. Pamana niya ito sa sinumang ookupa sa kanyang kuwarto.

Maganda rin ang iiwang opisina nina Ejercito, Aquino at Escudero. Maayos din naman ang tanggapan ni Trillanes pero hindi ito matanggap ni Senador Imee Marcos porke’t kritiko ng administrasyon si Trillanes. Napulaan tuloy si Marcos sa social media at ma­ging si Trillanes ay bumanat sa kanya.

Pero sa lahat ng mga naging miyembro ng Senado, tanging ang namayapang si Senador Joker Arroyo lamang ang simple ang opisina.

Walang masyadong muwebles, dalawa lang ang staff at isang driver. Aktibo sa mga debate sa plenaryo at bihirang umabsent sa trabaho. Wala sa ganda ng opisina ang kagalingan ng pagsisilbi sa bayan.