Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ninja at Power Ranger look sa new normal

0 476

Dapat sanayin na ng mga Pinoy ang mga pagbabago sa mga susunod na araw dahil sa epektong idinulot ng COVID pandemic sa bansa.

Nakalagpas na ang Pilipinas sa mahigit apat na buwang community quarantine at marami na ang nagbago sa buhay ng mga Pinoy simula sa dating pinakasimpleng araw-araw na routine hanggang sa mga bagong aktibidad na ginagawa para makaligtas at makaiwas sa COVID-19.

Para sa mga bata, wala na ang dating nakagawiang paglalaro sa labas ng bahay kahit anong oras gustuhin dahil mahigpit ang curfew at hindi na rin maaaring gumala sa malls lalo na kapag weekend.

Para sa mga senior citizen, bawal na silang lumabas at mamasyal, o kaya tumambay sa malls dahil sila ang pinakamabilis kapitan ng coronavirus dahil sa mahinang immune system.

Pero ang hindi na maaaring alisin sa ngayon sa lahat ng mga Pilipino ay ang pagsusuot ng face mask kapag lumabas ng bahay dahil ito na ang magiging bahagi ng kanilang pang-araw araw na buhay.

Nakakapanibago pero nasasanay na ang mga Pinoy at kailangang gawin para sa kaligtasan at kalusugan laban sa COVID-19.

Hanggat walang natutuklasang bakuna at gamot na panlaban sa coronavirus ay ito na ang magiging bahagi ng araw araw na anyo ng mga Pinoy.

Yun nga lang halos pare-parehong mukhang ninja ang anyo ng mga taong nakausot ng face mask dahil hindi na makita ang buong mukha .

Lahat ng mga makakasalubong sa daan o makakasalamuha sa trabaho at opisina ay nakasuot ng face mask para makasiguron hindi matalsikan ng laway na may virus.

Balewala na rin para sa mga kababaihan ang mga ginagamit na pampaganda, lalo na ang mga mamahaling ipinapahid sa pisngi at bibig dahil natatakpan na ito ng face mask.

Sa panahon ng pandemya ko napagtanto na balewala ang mga materyal na bagay at luho sa katawan dahil walang ibang mahalaga kundi ang kaligtasan at kalusugan laban sa bagsik ng COVID-19.

Pero sadyang madiskarte at mayaman ang imahinasyon ng mga Pinoy dahil sa kabila ng pandemiya ay nagagamit pa rin ang kanilang talento para hindi iisa ang mukha ng mga tao sa pagsusuot ng face mask.

Maraming mga naka-suot ng face mask na iba’t ibang design, ang iba nakakatuwa, ang iba tila nakangiti o nakasimangot na isang paraan na siguro para hindi naiisip ang dinaranas na kalbaryo at sakrispisyong hatid ng COVID-19.

Marami na ring motorcycle riders na naghahatid ng orders na pagkain o kaya ay mula sa online stores ang hitsurang power rangers na sobrang balot na balot ang mukha bukod sa helmet pati mga braso at kamay para lamang makasigurong hindi sila kakapitan ng coronavirus.

Mahirap at nakakapanibago ayon sa ating mga nakausap nating motorcycle riders pero kailangang gawin kaysa matamaan ng COVID-19 at makompromiso ang trabaho, pati na ang posibilidad na mahawa ang pamilya.

Mukha mang ninja o power ranger, ang mahalaga ngayon ay ang ating kaligtasan at kalusugan at huwag makalimot na manalangin na sana ay matapos na ang pandemic na ito para sa kaligtasan ng buong mundo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.