Abante Tonite Interactive

‘Ninja cop’ pinaaaresto ng Senado sa ‘di pagsipot sa hearing

0 259

Pinaaaresto ng Senado ang isang pulis na sangkot diumano sa pag-recycle ng nakumpiskang iligal na droga sa isang anti-drug operation sa Mexico, Pampanga noong 2013.

Ito’y matapos ma-cite for contempt si Senior Police Officer 1 Ronald Bayos Santos dahil sa hindi nito pagdalo sa pagdinig ng Senado sa isyu ng “ninja cops” nitong Miyerkoles.

Si Senador Panfilo Lacson ang naghain ng mosyon para i-cite for contempt si Santos at wala namang kumontra sa kanyang mosyon.

Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng Senate justice and human rights committee, ilang beses na umanong inisnab ni Santos ang kanilang imbitasyon kahit na pina-subpoena na nila ito.

“We’ve been looking for him and we requested that he be subpoenaed already. Ronald Santos is very important to this case and we’ve been trying to get him,” sabi ni Gordon.

“He is in contempt and we hereby order his arrest so that he can be brought here in person,” dagdag pa nito.

Kasama si Santos sa 13 na pulis Pampanga na napatunayang lumabag sa kasong grave misconduct dahil sa pagkabigong isuko ang mga nakumpiskang mga ebidensiya na kanilang nakuha sa drug bust operation sa Mexico, Pampanga noong Nobyembre 29, 2013.

Ang mga pulis na sangkot sa operasyon ay naunang na-dismiss subalit na-demote na lamang ng isang ranggo matapos maghain ng motion for reconsideration noong Marso 2016. (Dindo Matining)