Abante Tonite Interactive

‘Ninja cops’

432

Dear Abante Tonite,

Natawag ang aking pansin ng relo ni Police Major Rodney Raymond Baloyo IV nang humarap ito sa pagdinig sa Senado kaugnay ng kontrobersyal na ‘ninja cops’. Bukod sa tila ba hindi naayos ang kanyang timbang para sa isang pulis na matikas, dahil sa pagkakatanda ko may mga prog­rama ang pambansang pulisya para alisin ang masamang imahe ng kapulisan na malaki ang tiyan, heto at may isang police major na tila ba walang pakialam sa kanyang physical appearance. Wala naman po akong plano na husgahan at masamain ang opisyal na ito sa kanyang pangangatawan dahil choice naman niya ‘yan sa totoo lang. Pero, sa kabilang banda may physical fitness na programa para sa kapulisan at mukhang hindi niya ito sinusunod.

Isa pang bagay na pumukaw ng aking atensyon sa Senate hearing ay itong mga ninja cop na gumawa na nga ng mali imbes na ma-dismiss ay demotion lang ang ibinigay. Ganun na lang ba ang uri ng disiplina at paglilinis sa kanilang hanay? Nagtatanong lang naman po ako. Kasi pansin ko ‘pag sundalo kahit small offense, discharge na agad eh pero bakit ‘pag pulis po ba ay may immunity?

At ang panghuli na napansin ko kay Major Baloyo ay ang suot nitong relo.

Ang mamahalin niyang relo na ang pangalan ay pangmayaman na medyo mahirap banggitin ‘Audemars Piguet’. Tiningnan ko sa Internet kung magkano ang halaga ng relo na ito, umaabot lang naman ng kalahating milyong piso.

Depende pa ‘yan sa klase. Kung tatanungin ko kayo, para sa isang police major ‘luxury’ po ito. At ‘di po ba ang isang kawani o opisyal ng gobyerno ay dapat na mamuhay nang simple at nasa tama lamang? ‘Di po ba malinaw na may paglabag dito? ‘Di po ba labag sa RA 6713 itong ganitong kagarbo na relo?
Marjane Dy