Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Niresbakan sa drug war, pulis tinumba

0 76

Nasawi ang isang pulis matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem na mga suspek habang lulan din ng kanyang motorsiklo, Linggo ng hapon sa Bacolod City.

Kinilala ang biktima na si Police Staff Sgt. Joseph Nepomuceno, 37-anyos, nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Bacolod City Police Office (BCPO).

Sinubukan pang dalhin ang biktima sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital subalit idineklara na rin siyang dead-on-arrival dahil sa apat na tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente kamakalawa ng hapon. Binabagtas ni Nepomuceno na lulan ng kanyang motorsiklo ang kahabaan ng Rosario St., Brgy. 38 ng nasabing lungsod nang bigla na lang siyang sabayan ng hindi pa kilalang mga salarin at pagbabarilin.

Isa sa anggulong tinitingnan ng pulisya ay may kinalaman sa trabaho dahil ang napatay na pulis ay kilala bilang isa sa mga pinakaagresibong alagad ng batas sa lungsod na siyang humahabol sa mga drug suspek, kabilang na ang ilang mga high value target ng lungsod.

Posible umanong paghihiganti ang motibo ng mga suspek sa pagpatay kay Nepomuceno.

Sa ngayon ay tinitingnan na ng pulisya ang mga CCTV sa lugar ng pinangyarihan at sa pinagdaanan ng mga suspek sa posibleng pagkilala sa mga ito. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.