Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Niyanig ang paraiso

0 212

Niyanig ng magnitude 6.6 na lindol ang isla ng Masbate nitong Martes ng umaga. Natukoy ang epicenter sa 2nd class municipality ng Cataingan na binibigkas na Catayngan. Nataon ang malakas na lindol sa ika-8 taon anibersaryo ng pagkamatay ni dating Interior Secretary Jesse Robredo, na ang sinakyang eroplano ay bumagsak sa karagatan malapit sa Masbate City.

Minsan ko nang napuntahan ang Cataingan noong 1995 sa pagkober ko sa pagpatay kay Masbate Rep. Tito Espinosa. Ang nasabing bayan ay kilalang balwarte ng mga Kho na mortal na kaaway noon ng mga Espinosa.

Dahil sa tabing dagat lamang ito, pangingisda ang ikinabubuhay ng karamihan dito. May pantalan dito na may mga biyaheng patungong Albay, Sorsogon at Samar. Tahimik at payak ang pamumuhay ng mga naninirahan sa bayang ito.

Maraming magagandang beach, tanawin at iba pang pasyalan sa Masbate kaya’t masasabi kong isa itong paraiso. Pero ang pinakapopular dito ay ang taunang Rodeo Festival. Ang lalawigan kasi ang itinuturing na cattle capital ng Pilipinas kaya’t marami ditong mga cowboy at maging mga cowgirl.

SM food to go Banner Ad

Nais ni Masbate Gov. Antonio Kho na palaguin ang turismo at ang pagpapaunlad ng isla sa pamamagitan ng rodeo festival. Pero pansamantala itong naisantabi dahil sa pandemya dulot ng coronavirus disease.

Kaya nga nakalulungkot na nangyari pa ang malakas na lindol sa nasabing lalawigan. Bagama’t isang tao lamang ang iniulat na nasawi, nagdulot naman ito ng malaking pinsala sa mga kalsada, tulay at iba pang government infrastructure.

Kailangan ngayon ng national government na tulungan ang provincial government sa pagsasaayos ng mga nasirang kalsada, tulay at iba pang imprastraktura. Hindi ito magiging madali lalo pa’t nandyan pa rin ang peligro ng hawaan sa COVID-19.

Kung ganito kalakas na lindol ang tatama sa Metro Manila, mas malaking problema ang kakaharapin ng gobyerno. Tambak na kasi ng COVID patient ang mga ospital kaya’t siguradong pahirapan ang gamutan sa mga masusugatan. Huwag naman po sanang mangyari ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.