Abante Tonite Interactive

No. 1 most wanted sa Camanava area, nalambat ng pulisya

242

PART 7

Noong Mayo 16, 2019, nakatanggap ng tip sa kanilang confidential informant si Lt. Pabon na dadalo sa birthday party ng kanyang lolasi Louei Jay sa kanilang tirahan sa 22 Adelfa Street, Brgy. 132 Bagong Barrio.

Kaagad namang naberipika ng District Intelligence Division ng NPD ang naturang impormasyon kaya’t kaagad na nagsagawa ng pagpa-plano ang DSOU sa isasagawang pagdakip kay Louei Jay.

Makapananghali pa lamang ay may mga nakapaligid ng mga naka-sibilyang pulis malapit sa lugar na pagdarausan ng ika-65 taong kaarawan ng lola ni Louei Jay na si Aling Benilda upang tiktikan ang pagdating ng kanilang target na wan-ted person.

Pasado alas-3 pa lang ng hapon nang mamataan ng impormante ang pagdating ni Louie Jay sa lugar at nakita pa ng asset ng pulis nang batiin niya ng maligayang kaarawan sa kanyang lola bago nakihalo sa mga nag-iinuman sa lugar.

Nang makarating sa kaalaman ng trac-kers at security team ang impormasyon, kaagad nilang ipinabatid ito kay Lt. Pabon kaya’t ikinasa kaagad ang operasyon.

Naging maingat ang grupo dahil batid nila na posibleng suportahan ng kanyang gang si Taweng kung sakali at pumalag o manlaban sa kapulisan sa oras na isagawa na ang pagdakip.

Gayunman, dahil sa biglaang pagsakalay ng mga tauhan ng DSOU sa pangunguna ni P/MSgt Joel Rosales dakong alas-5:30 nang hapon sa Adelfa Street, wala isa man ang nagtangkang pumalag kaya’t matiwasay na naisilbi ng grupo kay Taweng ang bitbit nilang dalawang warrant of arrest sa mga kasong murder at attempted homicide.

Matapos namang basahin ni P/SSgt. D­exter Magno sa harap ni Taweng ang kanyang karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine bilang isang akusado, pinosasan at inaresto na siya habang ang kanyang ama at ka-patid na si Glenmore, pati na ang ibang miyembro ng Demon Gang na kasama sa asunto ay hindi naman namataan sa lugar.

Unang dinala si Taweng sa Caloocan City Medical Center upang isailalim sa pagsusuri ng mga doktor na isa sa umiiral na panuntunan sa ilalim ng batas upang matiyak na nasa wastong kalusugan at pag-iisip ang akusado nang isagawa ng kapulisan ang pagdakip.

Noong Mayo 20, 2019, matapos ang isi-nagawang tactical interrogation at booking procedure ng kapulisan kay Taweng, dinala siya sa hukuman na naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya, kasabay ng pagbabalik ng inilabas na arrest warrant at paghihintay ng commitment order na mag-aatas kung saan siya dapat ipiit.

Nagpaunlak naman ng panayam si Taweng sa TUGIS nang dalhin siya sa custodial facility ng tanggapan ng DSOU sa Langaray St. Caloocan City sa kabila ng pagtutol ng custodial officer.

Bagama’t malakas ang ebidensiya ng kapulisan na magsasangkot sa kanya sa mga kinakaharap na kaso, mariin pa ring ikinaila sa TUGIS ni Taweng ang mga akusasyon laban sa kanya, sa kanyang ama at kapatid at sa miyembro ng Demon Gang.

Bilang pag-trato sa patas na pamamahayag, minarapat ng TUGIS na pakinggan ang kanyang panig bagama’t sa dakong huli ay matitibay na ebidensiya at testimonya ng mga testigo ang mangingibabaw pa rin sa usapin.

Ayon kay Taweng, na bunso sa apat na magkakapatid, nag-ugat aniya ang mga akusasyon laban sa kanya, sa kanyang ama at kapatid nang mapatay ang kanyang kuya na si Joven John noong noong Disyembre 14 2012 ni SPO2 Vinancio Santiago.

Pinagbintangan aniya ng pulis na naninirahan din lang sa Arellano St. Bagong Barrio ang kanyang kuya ng panggugulo at pagnanakaw gayung karadating lamang aniya ng kapatid mula sa Macau kung saan siya nagta-trabaho.

Umuwi aniyang pansamantala ang kanyang kuya upang kumuha ng lisensiya dahil papasok ito bilang ground crew sa airport ng Macau nang mapatay ng pulis.

Sinampahan aniya nila ng reklamo ang pulis subalit nagawang makapaglagak ng piyansa matapos maibaba sa kasong homicide ang kanyang kaso at mula aniya noon ay ibinibintang na sa kanilang mag-aama ang mga nangyayaring patayan sa kanilang lugar.

Dagdag pa ni Taweng sa panayam ng TUGIS, ginagawa ng kapulisan ang akusasyon laban sa kanya, sa kanyang ama at kapatid upang hindi makadalo sa inihain nilang kaso sa hukuman para tuluyang maibasura ang usapin.

Bagama’t nakakadalo naman aniya ang 48-anyos niyang inang si Haziel, hindi rin niya tuluyang maasikaso ang usapin dahil kinakailangang ituloy ang trabaho bilang kusinera sa Macau .

Sa naturan ding bansa aniya nagta-trabaho ang panganay nilang ate na si Liezel na katuwang din nila sa pagtustos sa usapin.

Sa ngayon aniya ay ang live-in partner ng kanyang napatay na kuya na si Mary Grace ang regular na nakakadalo sa pagdinig upang hindi maibasura ang kaso laban sa pulis.

Wala rin aniyang pagkakataon na makadalo sa pagdinig ang kanyang amang si Lito Rarugal dahil bukod sa kanya at kapatid na si Glenmor, kasama rin ito sa kaso at may warrant of arrest ding inilabas laban sa kanila.

Inamin naman ni Taweng sa TUGIS na matapos maglabas ng arrest warrant ang hukuman laban sa kanya, nagsimula na siyang magtago bagama’t hindi naman siya lumalayo ng lugar tulad ng ginawa ng kanyang ama at kapatid.

Aniya, sa malayong lalawigan sa Samar nagtungo upang magtago ang kanyang kapatid na si Glenmore habang na-mild stroke naman ang kanyang ama sa panahon ng pagtatago sa naturan ding lalawigan.

Sinabi ni Taweng na sa panahon ng kanyang pagtatago sa batas, palipat-lipat lamang siya ng lugar sa Caloocan city subalit madalas ay nanatili lamang siya sa bahay ng kanyang kalive-in BBB (Balintawak Beer Brewery) sa Valenzuela city.

Mariin din niyang ikinaila sa panayam ng TUGIS na siya ang nakapatay kay Mark Joseph Yekla nang mangyari ang pagsasagupa sa pagitan ng grupo ng Sawako at Demon gangs.

Aniya, wala silang baril nang mangyari ang insidente at malinaw na mga pulis ang nakabaril sa biktima, pati na sa kasamahan nilang si Leyno.

Ayon sa kanya, magiging matibay sana ang ebidensiya na magpapatotoo na hindi siya at kanyang grupo ang nakapatay sa biktima kung hindi nasira ang close circuit television (CCTV) camera sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Hinggil naman sa kasong attempted homicide na isinampa laban sa kanya, inamin ni Taweng sa TUGIS na naroon siya sa lugar kung saan tinaga ng samurai at naputol ang dalawang daliri ng kamay ng biktima bagama’t sinabi niya na hindi aniya siya ang may kagagawan nito.

Gayunman, inamin niya na tinatangka nilang aregluhin ang kaso sa pamamagitan ng pag-aalok ng P70,000 ng kanyang ina sa biktima upang iurong na ang usapin.

Payag na dapat aniya ang complainant sa naturang areglo subalit nabigo naman siyang lagdaan ang usapan dahil hindi siya makalutang sa hukuman bunsod na rin ng nakabimbin pang warrant of arrest sa kasong murder laban sa kanya.

Paliwanag niya, rumble o kaguluhan ang pinag-ugatan ng usapin na nangyari sa Mariano Ponce Street, Bagong Barrio makaraan aniyang pagtulungan ng limang kalalakihan ang kanyang amang si Lito matapos umanong mapag-tripan.

Bagama’t nasa lugar aniya siya at kapatid na si Glenmore upang tulungan ang kanilang ama, wala aniya siyang kinalaman sa pananaga sa biktima.

Naghain din aniya sila ng reklamo sa barangay laban sa mga bumugbog sa kanyang ama bagama’t nabigo silang ituloy ang kaso dahil wanted silang mag-aama sa batas.

Sa kabila ng mga ginawang pahayag ni Taweng sa TUGIS na maituturing na “self serving” o pagtatangkang mailigtas ang kanyang sarili sa usapin tulad ng normal na ginagawa ng iba pang nasasangkot sa krimen, mapagtitibay lamang niya ang kanyang mga pahayag sa hukuman na tamang lugar upang idepensa ang kanyang sarili laban sa mga kinakaharap na kaso.

Kinakailangan lamang na mailagay din sa artikulo ang kanyang panig bilang paraan sa patas at parehas na pamamahayag bagama’t hindi ito maitururing na legal na depensa sa hukuman upang pabulaanan ang mga akusasyon laban sa kanya lalu na’t wala naman siyang nailatag na mga ebidensiya na magpapatunay totoo ang kanyang mga pahayag.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran. -30-