Abante Tonite Interactive

No. 2 sa drug watchlist dedo sa buy-bust

0 160

Patay ang isang sinasabing tulak ng droga na nasa ikalawang pwesto sa drug watchlist matapos manlaban umano sa mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa Quezon City, Martes ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Acting Director Police Colonel Ronnie Montejo ang napatay na suspek na si Criscamar Simos, alyas ‘Balong’, itinuturing na number 2 drug personality sa Barangay Santa Monica, Novaliches, Quezon City.

Ayon sa report, dakong alas-9:30 ng gabi, Oktubre 8, 2019, nang ikasa ng mga tauhan ni P/Col. Rossel Cejas ang buy-bust operation laban sa suspek, pero nakatunog umano si Simos na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga awtoridad pero walang tinamaan.

Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta para tamaan at mamatay ang suspek.

Giit ni Cejas, madalas umanong magbagsak ng droga si Balong sa mga tricycle driver sa lugar.

Narekober umano ng pulisya kay Simos ang 8 sachet ng droga at isang kalibre .38 na baril. (Dolly B. Cabreza)