Abante Tonite Interactive

‘No Approved Therapeutic Claims’

622

Ngayong naghahanda na ang karamihan sa pagbalik sa kanikanilang trabaho oras na maangat ang lockdown, o maging GCQ ang ECQ, (ibig sabihin ay maging general imbes na enhanced ang estado ng community quarantine) at papayagan nang lumabas sa mga tahanan ang mga residenteng nanatili dito ng ilang linggo upang hindi magkasakit sa nakakahawang Covid19.

Ano nga ba ang dapat natin gawin? Isa sa mga payo na ibinigay ay panatiliing malusog ang katawan upang manatiling malakas ang immune system. Ang iba ay hinihikayat pa na uminom ng mga bitamina o supplements para makasiguro na matatag sila laban sa Coronavirus. Ang tanong sa atin nitong linggong ito ay, kung kailangan ng ating katawan ng mga supplements na ito, bakit sa kanilang mga kahon, bote, o lalagyan ay nakasaad ang pariralang “NO APPROVED THERAPEUTIC CLAIMS”? Kung wala palang bisa ang mga ito, bakit pa inirerekomenda? Dagdag gastos lang sa mamamayan.

Tayo ay sasangayon sa nakasaad dito. Sa totoo lang, pinalitan na nga ito sa sarili nating wika ng food and drug authority o FDA.
Ito ay ang “Mahalagang Paalala: ang produktong ito ay hindi gamot at hindi dapat gamiting panggamot sa anumang uri ng sakit.” Ito ay pinalalagay sa mga food o dietary supplements dahil hindi naman kasi sila gamot o ginagamit panggamot.

Kung may kakaibang nararamdaman at masabi ng doktor na may sakit kayo, gamot ang ibinibigay at idinadagdag lang ang supplements. Kaya nga sila tinawag na supplement ay para maisama o makadagdag sa sustansya kung kulang ang nakakain ng isang indibidwal. Tama at wastong pagkain ang kinakailangan pa din upang lumakas ang katawan.

Ngunit kung sakaling kulang ang sustansyang laman o di kaya gustong makasiguro na sapat ang naipasok na pagkain sa katawan, maaaring uminom ng mga supplements na ito. Hindi sila ang dapat na prayoridad. Hindi dahil umiinom naman ng supplement ay pwede nang kung anu-ano ang kainin o mas masaklap, hindi na kakain.

Related Posts

Laging tatandaan na importante ang sarili natin at ang lakas natin. Siguruhin na maayos ang pangangalaga sa ating katawan at ang una ay kumain ng tama at wasto. Mainam sundin ang mga sumusunod: bawasan ang stress dahil nakakabagsak ng immune system ang stress kahit na maayos ang kain, iwasan ang alak at paninigarilyo, kumain ng mas maraming gulay, mag ehersisyo, matulog ng mabuti, magpaaraw, at maaaring idagdag ang mga herbs, colostrum supplements o unang gatas ng ina (pagusapan natin sa mga susunod na edisyon), at iba pang supplemento.

Ugaliing gawing prayoridad ang ating katawan dahil inaasahan natin ito at madami ring umaasa sa atin.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Tonite – Wendys Inhouse Ad