Abante Tonite Interactive

No bakuna, no enrollment inaaral ng DepEd

259

Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang mungkahi ng Department of Health (DOH) na magpatupad ng ‘no vaccination, no enrollment’ policy sa mga pampublikong eskuwela­han para matugunan ang pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng tigdas sa ­buong bansa.

Sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na kailangan nilang ikunsidera ang karapatang pantao ng mga mag-aaral, lalo na sa de-kalidad na edukasyon.

Gumagawa aniya ng mga paraan ang DepEd para maibalik ang tiwala ng mga magulang sa kahalagahan ng bakuna sa kanilang mga anak pero tiniyak nito na makikipagtulungan sila sa DOH para na rin sa proteksyon ng mga mag-aaral.

Hinahanapan na rin aniya nila ng mga paraan kung papaanong mapapalakas ang pagpapatupad ng Executive Order No. 663 o Implementing the National Commitment para sa “Bakuna ang Una sa Sanggol at Ina.”