Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘No man is an island’ kaya’t Maynila bukas sa lahat

0 152

Sa kabila ng pandemya, libo-libong bagong Negosyo ang nagbukas sa lungsod ng Maynila.

Kaugnay nito ay aking binabati si Levi Facundo, hepe ng bureau of permits, sampu ng kanyang mga tauhan, para sa kanilang pagsusumikap na makahikayat ng mga bagong negosyo na magbukas sa lungsod ng Maynila, na nagbunga naman ng maraming trabaho laluna para sa mga Batang Maynila.

Ayon sa ulat na ipinadala sa akin ni Facundo, mula sa umpisa ng kasalukuyang taon hanggang buwan ng Setyembre, umabot sa 6,356 na bagong negosyo ang nagpa-rehistro sa Maynila.

Sa parehong panahon ng 2020, ito ay umabot lamang sa 4,501. Nangangahulugan na umakyat ng may 45 porsyento at ‘yan ay sa kabila ng pandemya.

Ang positibong pangyayaring ito ay bunga ng ‘ease of doing business’ o pagpapadali ng pagnenegosyo na ipinatutupad sa Maynila. Nagbunga din ito ng mga inaasahang resulta, kabilang na ang pagkakalikha ng 8,455 trabaho batay naman sa ulat ni Fernan Bermejo, hepe ng public employment service office.

Kami sa pamahalaang-lungsod ay naniniwala na sa pamamagitan ng magaan ng proseso sa pagbubukas ng bagong negosyo, nahihimok ang mga negosyante na magpunta sa Maynila at dito mamuhunan at kapag ito ang nangyari, maraming bagong oportunidad para sa trabaho ang malilikha.

Maliwanag na ang bilang ng bagong negosyong nagbukas sa Maynila ay nagpapakita ng tiwala at kumpiyansa na ibinibigay ng mga mamumuhunan sa kasalukuyang administrasyon kaya naman mula sa hanay naming lahat na opisyal ng lungsod, kami po ay lubos na nagpapasalamat.

Natupad ng permits bureau ang aking ‘marching orders’ na aking ibinigay sa mga hepe ng mga departamento, bureau at tanggapan upang maghanap sila ng lahat uri ng paraan upang mapagaan ang epekto ng pandemya pagdating sa ekonomiya, kung kaya’t lumikha si Facundo ng mga programa upang matulungan ang mga negosyante. Sa Maynila, ang pagkuha ng permit ay mabilis sa pamamagitan ng EBOSS via Go!Manila App. Ang permits bureau ay gumawa ng programang ‘Manila Support Local’ upang kilalanin at suportahan ang maliliit na negosyo at dahil diyan, nakalikha ang pamahalaang-lungsod ng mas maraming proyekto na umiinog sa mga lokal na negosyo.

Buong pagmamalaki ko ring inihahayag na handang-handa na ang Maynila upang bakunahan ang mga kabataan naming may edad 12 hanggang 17 anyos.

Sa katunayan, nakipagpulong na ako sa aking wala ding kapagurang Vice Mayor, Honey Lacuna, na siya ring nangangasiwa ng mass vaccination program sa lungsod, kasama si Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, ukol sa mga paghahanda para sa pagbakuna ng mga kabataan.

Mahigit 39,000 kabataan na ang nakapagpre-register at kasalukuyan, tangan namin ang may 20,000 bakuna na handa naming iturok sa kanila bukod pa sa ibibigay ng national government. Ibig sabihin, may 10,000 kabataan na ang nakatitiyak na tatanggap ng bakuna.

Handa na ang Maynila magbakuna at hinihintay na lamang namin ang ‘go signal’ mula sa national government.

Habang lahat tayo ay naghihintay, nananawagan ako sa mga magulang at guardians ng mga menor de edad mula 12 hanggang 17 anyos na ipapre-register ang kanilang anak o alaga, para kapag inaprubahan na ito ng national government, maari na kaagad magpabakuna ang mga kabataan at makakuha ng proteksyon na dulot ng bakuna.

Ang tanging dapat gawin ng mga nakatatanda ay pumunta sa kanilang records at i-click ang ‘add family’ at ipasok ang mga detalye ng menor de edad na nais pabakunahan

Sa ngayon ay hinihintay namin ang pagdating mga ‘life-saving drugs’ na aming inorder, partikular na ang Tocilizumab, bagamat dumating na ang 2,000 vials ng Remdesivir na inorder namin ilang buwan nang nakalilipas.

Matagal na kaming namimigay ng mga nasabing gamot para sa mga pasyenteng mula sa iba’tibang bahagi ng bansa dahil sa ‘open policy’ na aming pinatutupad mula pa sa simula ng pandemya. Aming binuksan ang aming pintuan para sa mga hindi taga-Maynila pagdating sa lahat ng uri ng serbisyong nauukol sa COVID-19 gaya ng bakunahan, swab tests, hospitalization at mga gamot nga gaya ng Tocilizumab at Remdesivir.

Mabilis na nauubos ang aming stocks dahil patuloy ang pagbibigay nami ng Remdesivir at Tocilizumab sa mga nangangailangan nito, kahit pa taga-saan ang nangangailangan nito.

Pagdating sa pagliligtas ng buhay, hindi po kami naglalagay ng boundary at hindi rin namin nililimitahan ang tulong na maari naming ibigay para lamang sa mga taga-Maynila.

Naniniwala kami na dapat tulungan ang sinumang nangangailangan ng tulong kung kaya rin lang, sa parehong paraan kung saan ang ibang lungsod ay maari ding tulungan ang Maynila sakaling kami naman ang mangailangan.

Lahat tayo ay may kaugnayan sa isa’t-isa. Walang sinumang nabubuhay para sa sarili lamang. ‘No man is an island.’

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.