Abante Tonite Interactive

No man is an island

379

BANGON NA!
Joel Reyes Zobel

This cause…is the cause of all humanity. ‘Yan ang pangunahing battle cry ng International Criminal Court (ICC).

Ang ICC ang siyang nag-iimbestiga, at kung kakailanganin ay siyang maglilitis sa mga mabibigat na kasong kinukunsidera ng international community, gaya ng genocide, war crimes, crimes against humanity at ang crime of aggression o pagsalakay. Meron na rin silang nalitis dati gaya ni dating Yugoslav President Slobodan Milosevic dahil sa mga kasong genocide. Bago pa man siya nahusgahan, namatay si Milosevic habang nakakulong dulot ng karamdaman.

Kumalas na po tayo sa ICC noong nakaraang taon. Ngayon, ba­lak natin kumalas sa UN Human Rights Council (UNHRC). Sayang, golden opportunity sana na maipaliwanag ng Pilipinas ang war on drugs at patunayan na hindi iniuutos ng estado ang pagpatay sa mga pusher at adik.

Sabi nga ni Senator Bato dela Rosa, magpapapugot siya kung mapapatunayan na state sanctioned ang mga pagpatay.

Hindi ilalagay ni Bato sa chopping block ang kanyang ulo kung hindi totoo ang kanyang sinasabi. Btw, ako ay naniniwala na hindi iniuutos ng estado ang patayin ang mga adik at pusher dahil ang mga nakakapatay ng mga inosente ay kanilang inihahabla.

‘Yung tatlong pulis na dawit sa pagpatay kay Kian delos Santos ay napatunayang guilty at ngayon ay nakakulong. Kung meron mang napapatay, ay dahil lumaban at resulta lamang ng self-defense ng mga pulis. Tama si Senator Lacson, gumugulong ang hustisya sa ating bansa. Ang sa akin lang, ano bang masama kung mag-imbestiga ang UNHRC dito? Wala naman tayong kinukubli.

Bagama’t prerogative ng gobyerno na manatiling miyembro o kumalas sa UN. That’s the call of the present administration. It would also be the call of the next administration to rejoin the UN. Kaya lang, kung kakalas tayo ngayon, merong mga repercussions ‘yan.

Ang pinaka-immediate na repercussion na nakikita ko ay hindi natin puwedeng gamitin ang UN arbitral tribunal ruling na pumapabor sa Pilipinas sa South China Sea. Hindi puwedeng double standard tayo sa pagtrato sa UN. Sabagay, hindi naman ginagamit ng Duterte admin ang tribunal ruling dahil ‘yan ang gusto ng China.

Ang UN ay itinatag matapos ang ikala­wang digmaang pandaigdig para maiwasan ang anumang sigalot sa hinaharap. Binibigyang proteksiyon din nito ang mga maliliit na bansa gaya ng Pilipinas sa mga malalaking mga bansa na mapang-api. ‘Yan ang dahilan kung bakit sila andiyan.

Sabi nga nila, NO MAN IS AN ISLAND. Sabagay, andiyan naman ang China para sandalan. Sanay na naman ta­yong magpakatuta. Dati tayong tuta ng mga Kano. Ano ba naman ang masama kung magpakatuta tayo sa mga Tsino?